Eh ano kung na-quo warranto? Mga posibleng implikasyon ng desisyon vs Sereno

ABS-CBN News

Posted at May 11 2018 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilarawan bilang isang "pagkakamali" ng ilang abogado ang naging makasaysayang desisyon ng Korte Suprema na patalsikin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition at hindi sa isang impeachment na nakasaad sa Konstitusyon. 

Pero ano nga ba ang mga panganib na maaaring idulot ng desisyon sa iba pang nakaupong opisyal ng gobyerno at maging sa demokrasya ng bansa. 

Ayon kay Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni Sereno, ngayon ay puwede na ring gamitin ang quo warranto sa iba pang mahistrado ng Supreme Court (SC) at maging sa iba pang impeachable officers, o iyong mga opisyal ng bansa na dapat ay sampahan muna ng impeachment case, malitis, at masentensiyahan bago maalis sa puwesto. 

"Ang gulo niyan, imagine the thousands of petitions that may be filed because of this case...There's no sense that this should be a case of pro hac vice. That's so unfair," ayon kay Lacanilao.

Ang pro hac vice ay isang legal na termino na nangangahulugang "para sa isang okasyon" lamang ang desisyon at hindi sakop ang lahat sa naturang pamantayan. 

Aminado si Atty. Soledad Mawis, chairman ng Philippine Association of Law Schools, na kailangang rebisahin ngayon ang pagtuturo ng quo warranto dahil sa ginawa ng SC bilang "final arbiter."

"In so far as procedural issues are concerned, I think it's a mistake. With all due respect to the members of the High Court. But of course, like us, we're all lawyers, we have no choice but to follow the decision of the Supreme Court," giit ni Mawis. 

Dahil sa ruling, naniniwala si Lacanilao na labis na ngayon ang kapangyarihan ng Solicitor General para magpatalsik ng mga opisyal.

Matatandaang ang Office of the Solicitor General ang nagsampa ng petisyon na kumukuwestiyon sa integridad ni Sereno dahil "kulang" ang naipasa niyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

"Based on this theory that he (Solicitor General Jose Calida) used with [Sereno], he can go back 20-25 years and question things the person has done before, and then bring it today and say this is possibly a violation of integrity or character of this person...Iyun 'yung implication no'n that's why it's a dangerous thing," paliwanag ni Lacanilao. 

Biyernes naganap ang pambihirang botohan ng SC en banc, kung saan walo sa 14 na mahistradong nakilahok ang sumang-ayon sa pagpapatalsik kay Sereno.

Sa ngayon, idineklara munang bakante ang puwesto ng Office of the Chief Justice.

Sinabi na ng kampo ng dating chief justice na balak nilang maghain ng motion for reconsideration upang iapela ang naging ruling ng Korte. 

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.