ALAMIN: Mga reaksiyon sa pagpapatalsik kay Sereno

ABS-CBN News

Posted at May 11 2018 08:03 PM | Updated as of May 11 2018 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuluyan nang napatalsik sa kaniyang puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos paboran ng mayorya ng Supreme Court (SC) ang quo warranto petition laban sa kaniya.

Bumoto ang SC en banc ng 8-6 para panigan ang isinampang petisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) dahil sa umano'y kulang-kulang na SALN ni Sereno.

Pero hindi lahat ay pumabor sa desisyon ng Korte Suprema.

Isa si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa mga nagpahayag ng pagtutol sa pagkakasibak kay Sereno.

Matatandaang si Aquino ang nagtalaga kay Sereno bilang punong hukom noong 2012.

"Sa aking pananaw, kung ano man ang magiging paliwanag ng mayorya, ang makikita lang natin ay isang pilit na pilit na desisyon," sabi ni Aquino.

Ayon naman kay Bise Presidente Leni Robredo, labag sa Saligang Batas ang nangyaring pagsibak kay Sereno.

"Ang desisyon ng kataas-taasang hukuman na paboran ang quo warranto petition ay tahasang pagyurak sa pinakasagradong institusyon ng ating bayan, ang ating Saligang Batas," sabi ni Robredo.

Iginiit din ni Robredo na tanging impeachment lamang ang paraan para matanggal sa puwesto ang isang impeachable officer tulad ng punong mahistrado.

Inalmahan din ng ilang senador ang desisyon laban kay Sereno

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, dapat ay mangibabaw ang "rule of law" at pag-aralan ng Korte Suprema ang kanilang naging desisyon.

"Let us all uphold the rule of law. The people must be given time to review this decision. And the Supreme Court itself must also take the time to review its own decision," sabi ni Pimentel.

Tinawag naman ni Senador Risa Hontiveros na "black day for justice and the rule of law" ang pagpapatalsik kay Sereno.

"This is a black day for justice and the rule of law. The Supreme Court has fallen, and fallen hard in the eyes of the public," sabi ni Hontiveros sa isang pahayag.

Umaasa naman si Senador Sherwin Gatchalian na babaliktarin ng Korte Suprema ang kanilang desisyon upang magkaroon ng pagkakataon si Sereno na humarap sa impeachment trial ng Senado.

"What is important here is that Sereno be given her day in court, and that day must come before the Senate acting as an impeachment court, not the Supreme Court," sabi ni Gatchalian.

Samantala, ikinatuwa ni Solicitor General Jose Calida ang desisyon at tinawag itong maganda para sa bansa.

"The Supreme Court decision ousting Maria Lourdes Sereno augurs well for the country as it preserves the stability and integrity of the Judiciary. This decision is the epitome of its exercise of judicial independence," sinabi ni Calida sa kaniyang pahayag.

Sumang-ayon din sa desisyon si Atty. Larry Gadon na nasa likod ng impeachment complaint laban kay Sereno.

"Today, we have liberated the judiciary from the vestiges of the yellow cult which for many years have enslaved the people through machinations of deceit, fraud, indoctrination, and brainwashing for the advancement and protection of the yellow interest," sabi ni Gadon.

Ikinatuwa rin ni House Justice Committee chair Reynaldo Umali ang pagpapatalsik kay Sereno. 

"Para sa akin, napakaganda nito. Natapos na natin itong very divisive issue na ito. Kami ngayon makaka-concentrate na kami sa legislative matters namin," sabi ni Umali.

Idedeklara na rin nilang "moot and academic" ang impeachment complaint laban sa dating punong mahistrado.

Ayon naman sa Malacañang, dapat ay irespesto ang desisyon ng Korte Suprema na patalsikin si Sereno.

“The High Court has spoken. Let us respect its decision granting the quo warranto petition as the proper remedy and the quo warranto petition ruling against Chief Justice Ma. Lourdes Sereno,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang pahayag.

Hati naman ang pubiko sa pagkakasibak kay Sereno.

Watch more in iWant or TFC.tv

Next move ni Sereno

Ayon sa tagapagsalita ni Sereno, magsusumite sila ng motion for reconsideration laban sa desisyon ng Korte Suprema.

Giit ni Atty. Josalee Deinla, mali ang desisyon ng Korte Suprema at nahanap na rin umano ni Sereno ang kaniyang mga nawawalang SALN na nai-file noong siya ay propesor sa University of the Philippines mula 1986 hanggang 2006.

"Her lawyers will...include the physical copies of the SALNs to prove that she complied with the SALN law," sabi ni Deinla.

Ngunit kung hindi papaboran ng Korte Suprema ang kanilang apela, maaari nang magtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong punong mahistrado mula sa mga kandidato na ipipresenta ng Judicial and Bar Council (JBC).

--May ulat nina Sherrie Ann Torres at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.