'Tanim-droga', marami pa raw biktima; pulisya, dumepensa

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 07:21 PM | Updated as of May 11 2017 10:18 PM

Makalipas ang halos kalahating taon, nakalaya na ang tatlong senior citizen na nakulong matapos mabiktima umano ng “tanim-droga” sa isang hotel sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinumpirma naman ng Manila Police District (MPD) nitong Huwebes na mahigit 70 kawani nito ang iniimbestigahan dahil sa magkakahiwalay na kaso ng pagtatanim ng ebidensiya at pangingikil ng pera. 

Kanina, pinalaya na ang magkakapatid na sina Betty at Luz Chan at si Henry Go. Kalahating taon na ang lumipas mula nang makulong sila sa detention cell ng MPD Headquarters nitong November 2016.

Nahuli sila kasama ang 61-anyos na si Aping Ang sa kasong droga.

Enero pa naibasura ng piskalya ang kaso nila, pero nanatili silang nakapiit dahil dumaraan pa raw sa awtomatikong review ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang kaso.

Kinamatayan na ni Ang ang paghihintay na makalaya. Namatay siya sa sakit sa puso nitong Abril.

Idinulog ng Public Attorney’s Office sa DOJ ang kaso ng mga matatanda. Agad silang isinailalim sa medical check-up at iniharap din kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre bago tuluyang pinalaya.

Ikinatuwa ng tatlo ang paglaya pero iginiit muli nila na biktima sila ng ''tanim-droga'', at ''tanim-bala'' nang isagawa ang raid sa tinutuluyan nilang hotel.

Tanong pa ng isa sa kanila, bakit daw nila pinagdusahan ang hindi naman daw nila kasalanan.

Raid sa 'unit' ng matanda 

Lalo pang masakit para kay Luz Chan na hindi man lang niya nasilayan ang labi ng mister na si Ang. 

Base kasi sa report ng mga pulis, nasamsam ang mga droga at shabu sa unit ni Ang matapos halughugin ang lugar sa bisa ng isang search warrant.

Pero batay naman sa CCTV ng insidente, lumalabas na tatlong oras na ni-raid ng mga pulis ang tunay na unit ni Ang, saka pa lang siya dinala sa isang bakanteng unit kung saan natagpuan daw ang mga kontrabando.

Ayon pa sa katiwala ng nasawing senior citizen, nawala ang malaking halaga ng pera sa unit ni Ang matapos ang “raid” ng mga pulis.

Pulisya, dumepensa sa raid

Sa kabila naman ng ipinakitang CCTV, nanindigan ang hepe ng MPD na walang iregularidad sa nangyaring raid sa hotel. Iginiit niya pang tunay na sangkot sa droga ang senior citizens. 

Ipinagtanggol din ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde ang MPD. Ginagawa lang umanong alibi ng mga napalayang senior citizen ang pagbibintang sa mga pulis.

Banat naman ng abugado ng matatanda, kahit bali-baligtarin pa ang pangyayari, nabuking na sa CCTV ang umano’y kapalpakan at pagmamalabis ng mga nag-raid at nanghuli sa kanyang mga kliyente.

Tiniyak naman ng MPD na hindi nila tinutulugan ang mga reklamong nakakarating sa kanilang tanggapan laban sa kanilang mga kahanay.

"Mayroon pong mga insidente na ipinagpaalam sa amin sa mga kasong ganyan na sinasabi pong mayroong planting of evidence o kaya extortion. Almost 78 MPD personnel ang iniimbestigahan po ngayon sa mga ganyang kaso," ani MPD chief Senior Supt. Joel Coronel sa panayam ng DZMM.

Iba pang kaso ng umano’y tanim-droga, idinulog

Bago ilabas ng TV Patrol ang exclusive report tungkol sa senior citizens, dumulog na rin ang isa pang umano’y biktima ng “tanim-droga” sa Bacolor, Pampanga.

Ayon sa nabiktimang kawani ng gobyerno, pinalabas daw ng mga pulis at taga-PDEA na tumakas siya mula sa isang buy-bust operation. Pero base sa CCTV, pinasok ng mga pulis ang kanyang bahay kahit wala siya roon. Ninakawan din umano siya ng malaking halaga ng pera at alahas. 

Tinanggal na sa puwesto ang apat na pulis habang iniimbestigahan sila kaugnay nito. 

Iba pang 'biktima' 

Isa-isa na ring naglabasan ang iba pa umanong biktima ng “tanim-droga” sa Mabalacat, Pampanga naman.

Kuwento ng isang alyas “Michael”, bibili lang sana siya ng gamot para sa maysakit na anak nang bigla siyang arestuhin ng mga nakasibilyang pulis sa tapat ng kanyang bahay.

Pagdating sa presinto, isinama siya sa lima pang kalalakihang hindi niya kilala, at doon na raw nilabas ang mga droga at marked money na noon lamang niya nakita.

Nakulong si Michael ng 11 araw pero nakalaya rin matapos ibasura ng Angeles Regional Trial Court ang kaso niya at limang iba pa dahil sa kuwestiyonableng buy-bust operation.

Iginiit naman ng hepe ng Mabalacat Drug Enforcement Unit na supplier si Michael ng droga at hinamon pa siya sa lie detector test. Nagpositibo din umano si Michael sa ilegal na droga.

Ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption, bukod kay Michael, mahigit 10 pang biktima rin umano ng tanim-droga ang humihingi na ng tulong sa kanila. Nauna nang umapela ang grupo na suspendihin muna ng pulisya ang kanilang anti-drug operations hangga't hindi nalilinis ang kanilang hanay.
     

-- Ulat nina Dominic Almelor, Ron Gagalac, ABS-CBN NEWS