Sasakyan, hinatak; street vendors, hinawi; basura, hinakot

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 10:32 PM

Tuloy pa rin ang Metropolitan Manila Development Authority sa kanilang clearing operations ngayong linggo. 

Nag-ikot nitong Huwebes ng umaga ang grupo sa Balintawak at Scout area sa Quezon City kung saan nasa 50 sasakyang nakaparada nang ilegal ang hinatak. 

Pinalayas din ang nasa 200 vendors sa Balintawak Market dahil nakaharang umano sila sa daanan ng mga sasakyan. Nilinis na rin ang mga estero bilang paghahanda sa tag-ulan. 

Dinala sa towing area sa Ultra sa Pasig ang mga nahatak na sasakyang walang drayber na nakaparada. Marami pa rin ang umaalma dahil sanay umano silang pumarada sa side walk, ngunit hinatak pa rin ng MMDA ang kanilang mga sasakyan. 

Nasa 50 towing trucks ang dala ng MMDA, kasama ang ilang miyembro ng Philippine Army. 

Samantala, natiketan naman ang tatlong taxi, tatlong traysikel at anim na motorsiklo na mayroong naabutang drayber na nakipag-usap sa MMDA. 


Clearing sa Balintawak

Pinaligpit din ang mga paninda at saka pinaakyat sa bangketa ang may 200 vendor sa Balintawak Market na nakaharang sa daanan ng mga sasakyan. 

Hindi muna kinumpiska ang mga paninda, pero nagbabala si Francis Martinez, ang pinuno ng MMDA Sidewalk Clearing Operations, na matapos ang araw na ito ay itutuloy na nila ang pagkumpiska sa oras na mahuli ulit ang mga vendor sa kalsada.

Umalma naman ang ilang vendor at sinabing harassment umano ang ginagawa ng MMDA at dapat pabayaan na lamang sila sa kanilang hanapbuhay. 

Ilang linggo na rin umano ang ibinigay sa mga vendor upang lumipat, ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago. Mayroon din umanong nakatalagang palengke para sa mga vendors, subalit hindi sila pumupuwesto roon dahil mayroong bayad. Sa ngayon ay ilalagay muna sila roon, at tatao ang mga taga-MMDA upang masegurong nakalagay ang paninda nila sa tamang puwesto. 


Parking area, information campaign

Plano naman ni Martinez na imungkahi sa mga local government unit na maglagay ng parking area para sa mga namamalengke, lalo na para sa mga motorsiklo na madalas nakabalandra lamang aniya sa kalsada.

Magsasagawa na rin ng information campaign ang MMDA hinggil sa pagbubukas ng Samson-Caingin road na puwede nang daanan ng mga sasakyan para makaluwag sa traffic sa EDSA-Balintawak.

Plano rin ng MMDA na palitan ang shift ng kanilang mga tauhan para mabantayan ang mga pasaway na driver at pabalik-balik na illegal vendor tuwing madaling araw.

Sa ibang araw ay sa ibang lugar naman mag-iikot ang grupo para sa clearing operations. 


757 truck ng basura, nahakot

Samantala, umabot na sa kabuuang 757 truck ng basura ang nahakot ng MMDA sa mga estero at kanal sa Metro Manila sa loob lamang ng dalawang buwan. 

Sa record ng Flood Control and Sewerage Management Office ng MMDA, mula Marso 1 hanggang Mayo 6, nakakolekta na ng 5,250 cubic meters ng basura at burak mula sa mga iba't-ibang estero at open canal sa Maynila, Makati, Pasay, Malabon at Navotas.

Ayon sa MMDA, ginagawa na nila ang paglilinis sa mga estero bago ang tag-ulan upang mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila.

-- Ulat nina Angel Movido, April Rafales, Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.