SAPUL SA CCTV: 'Salisi Gang' sa Binondo

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 05:42 AM

Nakunan ng CCTV ang pananalisi ng tatlong babae at isang lalaki para makapagnakaw ng bag sa Binondo, Maynila.

Habang abala ang mga may-ari ng isang tindahan ng mga tela sa Binondo, Maynila sa kanilang mga customer, abala rin ang apat na tao sa kanilang pinaplano.

Sa kuha ng CCTV noong Mayo 9, kunwari nagtatanong-tanong tungkol sa mga itinitindang tela ang mga suspek.

Maya-maya, pumasok sa tindahan ang babaeng naka-dilaw at kunwari'y may tinignang tela.

Sunod na pumasok ang kasama niyang naka-asul at kinausap ang tindera.

Kasabay nito, pasimpleng dinampot ng babaeng naka-dilaw ang bag ng may-ari at agad umalis.

"Ang modus operandi nila ay guluhin at kausapin ka para malito ka," ani Domingo Vacal, chairman ng Brgy. 269 sa Binondo.

Matapos ang pagtangay, umalis rin ang iba pang suspek.

Magda-dalawang oras matapos ang insidente, saka lang nalaman ng mag-asawa na nanakawan sila.

Agad silang nagsumbong at humingi ng tulong sa barangay.

Bukod sa bag, natangay ng mga suspek ang kanilang mga ID, driver's license, ATM at credit cards, pera, at iba pang mahahalagang dokumento.

Napag-alamang dati na palang nambiktima at nahuli sa barangay ang grupo, dalawang taon na ang nakalilipas.

"May kasama pa silang mga bata. Parang mga dayo lang," ani Vacal.

Hindi na umano bago sa Binondo ang ganitong mga modus, kaya't payo ng barangay sa mga mamimili't nagtitinda, talasan ang pakiramdam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.