SAPUL SA CCTV: Bata, patay sa salpukan ng motorsiklo at tricycle

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 12:39 AM

Huli sa CCTV footage ang pagsalpok ng isang motorsiklo sa isang tricycle sa Legazpi City.

LEGAZPI CITY—Isang bata ang namatay matapos maipit nang magsalpukan ang isang motorsiklo at tricycle sa Legazpi City Huwebes ng umaga.

Naipit si Julien Baldo, 4 anyos, nang tumaob ang tricycle na sinasakyan nito nang salpukin ng isang motor.

Nahulog ang kapatid nitong 2 anyos mula sa tricycle pero agad na nakatayo.

Agad sinugod si Julien sa ospital pero binaiwan ito ng buhay ng bandang 9a.m.

Ayon sa ama ng biktima, ihahatid sana niya si Julien sa day care center para sa summer class nito.

Nang nasa may intersection na sila ng F. Imperial Street at Imelda Roces Avenue, isang motorsiklo ang biglang sumulpot.

“Medyo humaharurot talaga yung motor. Nasa isip ko, baka hinahabol nya yung traffic light habang naka-stop. Eh yung line namin naka-go, iniisip nya walang nakasunod. Nawalan siguro sya ng control,” aniya.

Nahuli ng Information Technology Division ng LGU-Legazpi sa CCTV footage na tumakbo palayo ang driver ng motorsiklo.

Ayon kay Supt. Nilo Berdin, hepe ng Legazpi City Police, kawalan ng disiplina at respeto sa traffic rules ng mga motorista ang dahilan kaya nangyayari ang ganitong aksidente. 

“’Yung pagturn right tama 'yun pero with caution. Kung magtuturn right ka at magkocross sa ibang linya, obstruction na 'yun,” ani Berdin.

Desidido ang pamilya ng biktima ng sampahan ng kaso ang driver ng motorsiklo na kinilalang si Ronnie Malate, isa umanong security guard sa isang bangko.

Tumanggi si Malate na magbigay ng pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.