Sanggol, natagpuang patay sa loob ng baldeng may tubig

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 12:17 PM

LIBMANAN, CAMARINES SUR - Palaisipan sa pulis pati na rin sa pamilya ng isang sanggol na lalaki ang pagkamatay nito sa Sitio Uguis sa San Isidro.

Natagpuan ang magiisang buwan pa lamang na sanggol na wala nang buhay sa loob ng baldeng may tubig.
 
Kwento ng lola nitong si Emely Jenny Mercader, naiwang natutulog sa loob ng kwarto ang sanggol nang magpunta sa banyo ang 22-anyos nitong ina at habang abala naman siya sa paggawa ng abanico sa labas ng bahay.

Nang puntahan na Mercader ang sanggol, wala na ito sa kwarto at sa likod ng kanilang bahay na nakita ang bata na nakalagay sa isang balde. Hindi na ito humihinga.

Walang nakakita kung may ibang taong pumasok sa bahay, pero hinala ng pamilya ng sanggol kagagawan ito ng kapitbahay nilang may diperensya sa pag-iisip na palaging pumupunta sa kanila.

Sa pagsasaka at paggawa ng abanico nabubuhay ang pamilya.

Problema nila ang panggastos sa pagpapalibing sa sanggol.

Sa ngayon ay hindi pa nakakausap ang nanay ng bata dahil sa pagkawala ng kanyang panganay na anak.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.