"Runner mom" ng Naga City, muling tatakbo ngayong Mother's Day

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 09:25 PM | Updated as of May 12 2017 01:49 AM

Cha Viola, ang tinaguriang "runner mom" ng Naga City, habang tumatakbo sa isang marathon sa Singapore. Photo courtesy of Cha Viola.


Muling tatakbo ang “runner mom” ng Naga City para sa Mother’s Day ngayong Linggo.

Ngayong taon, tatakbo ang single mom na si Cha Viola, 44, sa Mayon 360 Albay Ultra Marathon.

Ito ang 80-kilometrong marathon na iikutin ang Mayon Volcano, dadaan sa pitong bayan at tatlong lungsod sa Albay.

Noong nakaraang taon, tumakbo si Viola bilang si Captain America. Ngayon naman, siya si Batwoman. Ginagawa niya raw ito para kahit mahirap, maging masaya pa rin ang experience.

"Runner mom" Cha Viola bilang Captain America noong nakaraang taon sa Mayon 360 Albay Ultra Marathon. Photo courtesy of Cha Viola.

Sa apat na taon na pagiging ‘runner mom’, lagpas 10 na ang kanyang running shoes at 34 na finisher’s medal na ang kanyang iniipon.

Sa tuwing may sasalihan siyang marathon, nag-iiwan siya ng espasyo para sa bagong medalya.

“From 3k, 5k, 10k hanggang 15k, masaya na ako. Hanggang [naging] ultramarathon na. ‘Yung mga stress sa buhay, ‘pag tumatakbo ka, nawawala siya. Nade-develop ang endurance, hindi lang physical, pati emotional,” ani Viola.

Kahit isang beses daw ay hindi siya sumuko, maging sa 42-kilometrong Corregidor Trail Marathon na aminado siyang kanyang iniyakan.

Ayon kay Viola, ang kanyang inspirasyon ay ang anak niya na si Gab.

“Noong una, akala ko pampapayat lang, hanggang umabot na sa puntong 50 kilometers tapos 80, inikot niya na ang mayon. Astig,” ani Gab.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.