Napoles, kausap ang DOJ tungkol sa pagiging state witness

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 07:00 PM | Updated as of May 11 2017 10:42 PM

Natuloy na ang pulong sa pagitan ng kampo ni Janet Lim Napoles at Justice Secretary Vitaliano Aguirre para simulan ang pag-uusap sa posibilidad na magamit na testigo ng gobyerno ang negosyante kaugnay ng "pork barrel" scam.

Mula nang maabsuwelto sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Benhur Luy, naging bukas na ang kampo ni Napoles at Department of Justice sa posibilidad na iatras ang mga kaso laban sa kanya sa Sandiganbayan para gawin siyang state witness.

Ayon sa abogado ni Napoles, handa siyang magsiwalat ng nalalaman at idawit ang marami pang pangalan, hindi lang ng mga mambabatas kundi pati na mga opisyal na mas mataas pa sa mga senador. 

''We're just exploring the possibility that my client will be admitted to the witness protection program, basically 'yun lang naman. Ako naman, on our part, we're requesting that she be given proper security 'pag natuloy proposition na 'yun,'' ani Atty. Stephen David, abogado ni Napoles.

Kuwento ni David, may pag-uusap na noon ang kampo ni Napoles at dating administrasyong Aquino sa posibilidad na gawin siyang state witness.

Kumpiyansa si David na maaaring mag-state witness si Napoles kapag public funds ang pag-uusapan.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring state witness ang may pinakamaliit na partisipasyon sa anumang krimen.

Ayon naman kay Aguirre, sa kaso ng ''pork barrel'' scam, most guilty ang public officials na kasabwat ni Napoles, lalo na 'yung nag-udyok at nagturo sa negosyante kung papaano magalaw ang Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas.

Nangangamba naman si San Beda Graduate School of Law Dean Fr. Ranhilio Aquino na humina ang kaso ng prosecution kapag ginawang state witness si Napoles.

Susuriin ng DOJ ang bagong sinumpaaang salaysay na gagawin ni Napoles. Sa ngayon, lumalabas na tanging ang seguridad ni Napoles ang kondisyon.

Kasama rin sa iimbestigahan ng DOJ ang disbursement acceleration program sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.