Lalaking pabalang sumagot sa ina, sinaksak ng kapatid

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 09:24 AM

MANILA - Hinuli ng mga opisyal ng barangay sa Old Balara, Quezon City ang isang 21-anyos na lalaki matapos nitong saksakin ang nakatatandang kapatid dahil umano sa pabalang na pagsagot sa kanilang ina, Miyerkoles.

Pinagalitan ng ina si "Louie" nang malamang may kumalkal sa drawer ng pinsan nito.

Sumagot umano ng pabalang si Louie at hindi ito nagustahan ni Rommel na kanyang mas batang kapatid.

Dito na sinuntok ni Rommel ang kuya hanggang sa mauwi ang kanilang pagtatalo sa pananaksak.

"Nabigla lang po ako," ani Rommel.

Kalaunan, inamin niya na mayroon siyang hinanakit sa kuya
at matagal na niyang kinikimkim ang galit.

Aniya, "Wala na nga siyang naitulong, ganyan pa siya. Pinahihiya n'ya ako sa mga kapitbahay. Kung ano-ano ang pinagsasabi."

Samantala, dinala naman sa ospital si Louie na may sugat sa kanang braso at dibdib.

Hindi makapagpasya ang ina ng magkapatid kung kakasuhan ang nakababatang anak.

"Siyempre ina ka. Pareho mo silang anak. Gusto mo rin makulong para matuto ng leksyon. Pero ayaw mo rin masira ang buhay niya," kuwento ng ginang.

Mananatili na lang muna sa kustodiya ng barangay si Rommel habang nagpapagaling pa sa ospital ang kanyang kuya.

Iminungkahi ng barangay na paglayuin muna ang magkapatid kapag nakalabas na ng ospital si Louie.

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang magkapatid at kanilang ina dahil sa maselang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.