Lalaki, arestado matapos bumili ng cellphone gamit ang nakaw na credit card

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 09:21 PM

MANILA- Arestado ang isang lalaki matapos itong mahuli ng pulisya na bumibili ng isang cellphone gamit ang nakaw na credit card.

Nahuli ng PNP-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 38-anyos na si Stephen Francis Lucena habang bumibili ng isang bagong cellphone na nagkakahalagang P40,000 sa isang mall sa Mandaluyong nitong Miyerkules.

Tapos na umano ang transaksyon ngunit tumawag ang bangko sa tindahan para huwag pabayaang umalis agad ang suspek.

Polisiya kasi ng mga tindahan na makipag-ugnayan sa mga bangko lalo na kung higit sa P30,000 ang halaga ng mga transaksyon.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagpanggap si Lucena bilang may-ari ng credit card upang mabili ang cellphone.

Hindi nagtugma ang bank record na ipinakita ni Lucena at ang larawan ng totoong may-ari ng credit card.

"He was able to use the credit card amounting to 300 thousand pesos. Buti na lang with the help of the merchant and the bank, they were able to detect that this guy is using fraudulent credit card information," ani Supt. Jay Guillermo, tagapagsalita ng PNP-ACG.

Dagdag pa ng mga awtoridad, may kasamang babae si Lucena na naglabas ng cellphone sa tindahan.

Paliwanag naman ng suspek, napulot lamang niya ang credit card.

"Napulot ko lang po ang card, ginamit ko lang po na pambili ng dalawang cellphone sa mall," ani Lucena.

Ayon sa PNP-ACG, active pa ang ginamit na credit card at iniimbestigahan na nila kung paano ito nanakaw.

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulation Act of 1998 ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.