Higit 100 pamilya, nasunugan sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 09:16 AM | Updated as of May 11 2017 09:19 AM

Nawalan ng tahanan ang mahigit 100 pamilya sa sunog sa Barangay 197, Pasay City, Miyerkoles ng gabi.

Pasado alas-7 ng gabi nagsimula ang sunog sa isa sa mga tabi-tabing bahay na napagitnaan ng 4 na kalsada.

"Wala pa kaming konkretong basehan kanino nagsimula ang sunog pero alegedly may nagsasaing kasi naamoy ng kapitbahay na may nagsasaing and then all of a sudden may sumabog," ani barangay chairman Boyet Garpa.

Agad na kumalat ang apoy kaya agad itinaas sa ikaapat na alarma ang sunog.

Mabilis nakalapit ang mga trak ng bombero sa lugar dahil sa isinagawang road clearing ng barangay noong Miyerkules ng umaga. Pero naubusan din ang mga ito ng tubig kaya kinailangan ng dagdag na responde.

Tumulong na pati ang mga taga-katabing barangay sa pag-apula ng apoy.

Inabot ng 4 oras bago natiyak ng mga awtoridad na hindi na kakalat ang apoy.

Maraming residente ang walang naisalbang gamit at aabot sa 100 pamilya ang nangangailangan ng ayuda ng gobyerno, batay sa tala ng social workers ng lungsod.

Bukod sa pagkain at hygiene kit, nangangailangan ang mga nasunugan ng kumot, higaan at panangga sa araw o ulan gaya ng tolda o trapal.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News; Ron Lopez, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.