Hepe ng Bacolor police, 3 iba pa sibak dahil sa umano'y 'tanim-droga'

Ron Gagalac, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 06:06 PM

Sibak sa puwesto ang apat na pulis na isinasangkot sa umano'y ''tanim-droga'' raket sa Bacolor, Pampanga.

Kabilang sa mga nasibak ang hepe ng Bacolor police na si Chief Inspector Sonia Alvarez. 

Kinilala naman ang iba na sina Chief Inspector Phillip Pineda, team leader ng Bacolor Drug Enforcement Unit; at sina PO2 Rethmel Santos at PO2 Mark Zeson Dela Torre na kasama sa arresting team.

Ayon kay Sr. Supt. Ronaldo Llanera, Deputy Director for Operations ng Philippine National Police sa Region 3, sinibak ang 4 habang sila ay iniimbestigahan.

Pansamantala muna silang inilagay sa Administrative Holding Center ng Pampanga provincial headquarters. 

Una nang humingi ng saklolo sa mga awtoridad si Engr. Wilgelmo Galura, city engineer ng Bacolor, na kinasuhan at pinalabas na nahuli sa isang buy-bust operation. 

Inakusahan si Galura na nakakatas pero dahil naghagis umano siya ng baril at droga, gagamitin iyong ebidensiya laban sa kanya.

Taliwas naman sa bintang ang nakita sa CCTV at ang salaysay mula sa ilang testigo na nagpapatunay na wala siya noong mangyari ang buy-bust.

Lumalabas na puwersaha umanong pinasok ang bahay ni Galura ng 11 operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-Region III, Bacolor Pampanga police, at Provincial Drug Enforcement Unit. 

Pinagnakawan pa umano sila ng P300,000 halaga ng pera at alahas.