Bouncer binaril dahil may kamag-anak na mambabarang?

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 06:54 PM

ILOCOS SUR – Anim na tao ang sugatan matapos paputukan ng mga salaring nakamotorsiklo ang harapan ng isang bar sa Vigan gabi ng Miyerkoles.

Ang tinitingnang motibo: galit dahil isa sa mga biktima ay may kamag-anak umanong mambabarang. 

Kabilang sa mga sugatan ang bouncer ng bar na si Jaris Milan, ang waitress na si Levi Figares na siyang pinakamalubhang nasugatan, at ang mga kostumer na sina Elsa Rabara, Linden Cachola, Bryan Conception at Marcelino Arre.

Patuloy na nagpapagaling ang mga sugatan na biktima.

"Nag-spree na 'yung suspek habang nasa motor. Binanatan 'yung target nila and then hindi na siya bumaba hanggang sa umalis na sila bumabanat parin," ani Vigan City chief of police Supt. Marlo Castillo. 

Anim na basyo ng kalibre .45 ang narekober sa crime scene.

Naniniwala ang bouncer na si Milan na siya ang puntirya ng pamamaril. 

Namukhaan umano niya ang isa sa mga namaril, ang kanyang kaanak na si Jaydee Paa. Matagal na umanong may alitan ang kanilang mga pamilya.

"Nasasabi na niya noon pa na papatayin ang lola ko dahil pinagbibintangan siyang mambabarang kahit hindi naman totoo, at tuwing nagkakasalubong kami palagi niya akong sinisimangutan," ani Milan.

Mariin naman itong itinaggi ni Paa na nahuli sa isinagawang operasyon kagabi. Sumailalim na ito sa paraffin test.

"Hindi totoo ang ibinibintang nila sa akin. Sana ay tignan ang CCTV sa malapit sa lugar para makita, para mapatunayan na hindi ako ang namaril dahil kagabi nakikipag-inuman din ako sa bahay namin," ani Paa.

Inihahanda na ang kaso laban kay Paa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.