Bangkay ng babae natagpuan sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 10:53 AM

MAYNILA - Natagpuan ang bangkay ng isang babae sa isang madilim na bahagi ng lungsod ng Navotas pasado ala-1:00 ng madaling araw ngayong Huwebes. 

Nakasuot ng pajama at pulang t-shirt ang babae na tinatayang nasa pagitan ng 30 hanggang 40 ang edad, at may taas na 4'11" hanggang 5'4".

Ayon sa mga barangay tanod, itinawag sa kanila na may nakitang patay sa may baywalk sa Barangay Tanza. 

Madilim anila ang lugar at walang nakatira dahil palaisdaan ang magkabilang gilid ng kalsada. 

Isang slug ang nakuha ng mga awtoridad sa lugar kung saan nakita ang bangkay. Dinala na sa Eusebio Funeral ang nakitang bangkay.