Bangkay na ibinalot ng packaging tape, natagpuan sa Benguet

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 09:19 PM

Natagpuan na ang katawan ng isang nawawalang driver na nakabalot ng packaging tape sa Itogon, Benguet.


BENGUET – Natagpuan na ang katawan ng isang nawawalang driver noong Miyerkules sa Itogon, Benguet.

Nababalot ng packaging tape ang katawan ni Vener Monitilla nang matagpuan ito ng pulisya.

Ayon sa Philippine National Police Scene of the Crime Operatives (SOCO), fractured ang baba ni Monitilla at butas butas ang kanyang damit.

“Hindi pa natin masasabi kung ano yung pagkabutas ng damit. Pero may nakita yung SOCO na maliliit na butas,” ani Chief Inspector Eugene Raymundo ng Itogon Chief of Police.

Isang drug personality umano sa La Trinidad si Monitilla, ayon sa pulisya.

Natagpuang may susi at nakabukas ang ilaw at pinto ng abandonadong sasakyan ni Monitilla sa KM6, La Trinidad.

Ayon sa mga kamag-anak ni Monitilla, noong Mayo 5 pa raw siya nawawala at huli siyang nakita sa La Trinidad kasama ang mga ka-trabaho niya.

“Nagkakape raw sila, pero may biglang tumawag, hindi niya na inubos yung kape, umalis siya agad,” ani Mercendita Montilla, kapatid ng biktima.

Walang ideya ang pamilya ni Monitilla kung siya ay may mga kaaway o kung ano ang motibo sa pagpatay sa kanya.

--Ulat mula kay Mae Cornes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.