3 sibilyan, inimbitahan sa presinto kaugnay ng Quiapo bombing

Johnson Manabat, DZMM

Posted at May 11 2017 03:43 PM

MANILA - Tatlong indibidwal ang inimbitahan ng pulisya sa presinto Huwebes matapos nilang inspeksyunan ang pinangyarihan ng kambal na pagsabog sa Quiapo, Manila nitong nakaraang linggo. 

Matatandaang 2 tao ang nasawi habang 4 ang nasugatan nang sumabog ang package na ipinadala sa opisina ng isang Muslim cleric sa Gunao Street, Sabado. 

Makalipas ang 2 oras, isa pang pagsabog ang naitala sa Diamond Building sa kalapit na kanto ng Norzagaray and Elizondo Streets, kung saan nasaktan ang 2 pulis.

Binalikan ng mga imbestigador ang Diamond Hotel ngayong Huwebes at makailang ulit sinukat ang distansya ng pinaglagyan ng pangalawang pampasabog sa bubong ng isang stall sa ground floor. 

Matapos ang tinatayang 5 oras na paggalugad sa gusali, bumaba ang mga awtoridad kasama ang 3 sibilyan na isinakay sa police mobile. 

Hindi pa makumpirma kung itinuturing na persons of interest ang 3 dahil walang sinomang opisyal ang humarap at nagsalita sa media kasunod ng follow-up operation. 

Una nang itinanggi ng pulisya na may kinalaman ang mga pagsabog sa terorismo. 

Taliwas ito sa babala ng international security expert na si Dr. Rohan Gunaratna na nagsabing posibleng Islamic State terror group ang nasa likod ng mga pagsabog na maaaring test run para sa mas malawak na pag-atake pagsapit ng Ramadan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.