3 matandang biktima ng 'tanim-droga,' laya na

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 04:51 PM

MANILA - Matapos ang anim na buwang pagkakakulong, nakalaya na Huwebes ang 3 sa apat na senior citizen na natirang nakakulong mula Nobyembre matapos umanong taniman ng ebidensyang iligal ng droga ng ilang pulis sa Maynila. 

Nauna nang pumanaw noong Abril ang ikaapat sa kanila, si Api Ang, dahil umano sa acute coronary syndrome na hinihinalang bunsod ng init sa kulungan, ayon sa abogado nito na hiniling na itago ang kanyang pangalan para sa kanyang seguridad. 

"What happened to Mr. Api Ang directly contravened the contents of DOJ Department Circular 004 which I issued on January 4, 2017. The circular mandates, that not withstanding the automatic review, respondents shall be immediately released from detention, unless detained for other causes," ani Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa isang press conference.

"The department solemnly abides with the Constitution and, as a matter of high policy, directs all its official and personnel to ensure that no person shall unduly suffer prolonged detention once his or her case has been dismissed," dagdag pa ni Aguirre.

Inanunsiyo rin ni Aguirre na pinaiimbestigahan na niya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ng apat na senior citizen.

"To correct further injustice to them, we have also caused the immediate release of Mr. Ang's three other respondents in the criminal case filed against them," ani Aguirre.

Nitong Miyerkoles, iniulat ng ABS-CBN News ang pagtatanim umano ng ebidensyang iligal na droga ng 25 operatiba ng Manila Police District (MPD) sa hotel room ng 4 na senior citizen sa Sta. Cruz, Maynila noong Nobyembre 21. 

Dinakip sa operasyon si Ang, may-ari ng coffee shop sa hotel, ang 64-anyos na kasamahan nitong si Henry Go, pati ang misis at hipag ni Ang, na pawang mga senior citizen din. 

Nawalan ng P2 milyon ang matatanda sa naturang raid, ayon sa kanilang abogado. 

Naibasura naman ang kaso laban sa 3 kasamahan ng matanda, pero hindi agad sila nakalaya mula sa headquarters ng MPD dahil sa natagalang automatic review ng Department of Justice sa kanilang kaso. 

Iniimbestigahan ng MPD ang 78 kawani nitong sangkot sa mga insidente ng "tanim-droga" at pangingikil ng pera, na lumutang sa gitna ng pinaigting na kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga.

Kasabay nito, gumugulong ang hiwalay na imbestigasyon ng Pampanga police ukol sa isa pang insidente ng pagtatanim umano ng ebidensya laban sa isang city engineer

Umapela naman ang isang anti-crime group na suspendihin muna ng pulisya ang kanilang anti-drug operations hangga't hindi nalilinis ang kanilang hanay.

"Kung pwede itigil nila ulit iyung war on drugs, magkaroon ulit ng total cleansing until talagang malinis nila ito para hindi ito maging cause ng national embarrassment saka para sa peace of mind natin," mungkahi ni Boy Evangelista, tagapagsalita ng Volunteers Against Crime and Corruption. -- May ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.