3 holdaper umano, tumumba sa barilan sa Quezon City

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 05:24 AM

Patay ang tatlong hinihinalang holdaper matapos makipagpilitan ng putok sa mga pulis sa Commonwealth Avenue, Quezon City Biyernes ng madaling araw. 

Sa UP Arboretum street sa U.P. Technohub nakahandusay ang katawan ng tatlong suspek. 

Ito'y matapos makipagpalitan sila ng putok sa mga pulis na kanilang naka-engkwentro kaninang madaling araw.

Kwento ni alyas "Paul" na nabiktima umano ng tatlo, naglalakad siya sa may Tandang Sora nang bigla na lamang siyang nilapitan ng tatlo.

"Nag-aabang ako ng jeep pauwi na ako ng Manila. Biglang may lumapit na isa, inakbayan ako. May dalawang lalaki lumapit, kinuha bag ko. Pinaupo sa gilid ng poste. Tapos umalis sila at sumakay ng jeep," ani Paul. 

'Di siya pinanghinaan ng loob at kaagad na naghanap ng pulis. Sakto ay may rumorondang pulis sa paligid.

"Pinasakay ako ng pulis. Inisa-isa nila ang jeep. Nung makarating dito, may nakita kaming naglalakad. Tandang-tanda ko pa yung dalawang naka bag. Sinita nila pero nagpapautok sila," ani Paul.

Ayon kay Chief Insp. Rolando Lorenzo, nagkaroon ng habulan at nagpaputok ng baril ang mga suspek, na ginantihan naman ng putok ng mga pulis.

Nabawi ang bag ni Paul na may lamang personal na gamit. Hindi pa nakikilala ang mga suspek na napatay.

Payo ng mga otoridad, para makaiwas sa holdap, iwasang maglakad sa madidilim na lugar.

Kung maaari, palaging magsama ng kasama at iwasang maglakad mag-isa. At kung napasubo na, huwag nang manlaban at ibigay na lamang ang gamit dahil sa huli, mas mahalaga pa rin ang buhay kaysa ano pa mang bagay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.