200 sidewalk vendors, pinalayas sa Balintawak Market

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 12:06 PM

MANILA - Sa ika-4 araw ng clearing operations ng Metro Manila Development Authority ngayong linggo, pinalayas ang nasa 200 vendors mula sa mga bangketa sa paligid ng Balintawak Market sa Quezon City, Huwebes.

Ipinaligpit ng MMDA sa mga vendor ang kanilang mga paninda bago sila pinaakyat sa bangketa para hindi makaharang sa daanan ng mga sasakyan.

Ayon kay Francis Martinez, pinuno ng MMDA sidewalk clearing operations, hindi muna nila kinuha ang paninda ng mga vendor pero kukumpiskahin na ito kapag bumalik sila sa kalsada.

Umalma naman ang ilang vendor at sinabing harassment umano ang ginagawa ng MMDA. Dapat anilang pabayaan na lamang sila ng mga opisyal na maghanapbuhay.

"Hindi kami makapag-hanapbuhay naman. Hinihiling namin na hindi kami paalisin lahat," ani tinderang si Virgenia Garcia habang umiiyak.

Dagdag ng kasamahan si Jocelyn Cronico, "Huwag harass-an na para kaming magnanakaw, na kukuhanin ang paninda namin... Malaki nawala sa 'min na kita, P1,000. Buti kung kaunti lang anak ko, 12 ang anak ko."

Mayroon namang ilang vendor na sumang-ayon sa hakbang ng MMDA.

"Okay lang naman, wala kami magagawa. 'Di tayo pwede sumuway... Maganda rin 'to maluwag, kaya lang baka mamaya ningas cogon lang, 'di tumatagal," sabi ni Procopio de Guzman.

Samantala, plano ni Martinez na hikayatin ang lokal na pamahalaan na maglagay ng parking area para sa mga namamalengke lalo't madalas nakaharang sa kalsada ang kanilang mga sasakyan, partikular na ang mga motorsiklo.

Magsasagawa rin ng information campaign ang MMDA hinggil sa pagbubukas ng Kaingin Road, na puwede nang daanan ng mga sasakyan para maibsan ang trapik sa EDSA-Balintawak.

Plano rin ng MMDA na palitan ang shift ng kanilang mga tauhan para mabantayan ang mga pasaway na driver at pabalik-balik na illegal vendors tuwing madaling-araw.

Natiketan ang 3 taxi, 3 tricycle at 6 motorsiklo dahil sa illegal parking sa Balintawak Market, Huwebes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.