2 miyembro ng 'Gapos Gang,' napatay sa QC

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 04:53 AM | Updated as of May 12 2017 05:12 AM

Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng "Gapos Gang" matapos makaengkwentro ang mga pulis sa Quezon City. 

Mataas na ang bakod at anim ang aso sa bahay ni Antonio Isaac Jr. sa Barangay Pinyahan sa Quezon City, pero nadale pa rin siya ng mga kawatan mag aala-una Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay Isaac, dumungaw siya para tingnan ang asong umuungol sa gate nang tinutukan siya ng baril ng dalawang lalaki.

Pinasok ang bahay ni Isaac ng dalawang salarin at ninakaw ang printer, speaker, DVD player, at dalawang relo. 

Tumakas ang mga salarin gamit ang isang tricycle.

Sakto namang paglabas ni Isaac ng bahay, nadaanan siya ng umiikot na mobile ng mga pulis mula sa Quezon City District Special Operations Unit.

Nang madatnan ng mga pulis, doon na nagpaputok ang mga salarin kaya't agad gumanti ng putok ang operatiba na agad ikinamatay ng dalawang salarin.

Narekober mula sa mga salarin ang gamit ng biktima at kalibre .38 at kalibre .45 na mga baril. Napag-alaman na nakaw rin ang gamit na tricycle ng mga suspek.

Pinaghahanap na rin ng mga otoridad ang iba pang mga kasamahan ng dalawang kawatan, na hindi pa nakikilala. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.