Pormal na iprinoklama ng Legazpi City Board of Canvassers si Geraldine Rosal bilang alkalde ng lungsod alas singko ng madaling araw nitong Martes.
Nakakuha si Rosal ng 57,687 boto, kumpara sa 57,137 boto ni Alfredo Garbin Jr.
Ayon kay Rosal, ang panalo na ito ay ay para sa mga Legazpeños.
"Sabi ko nga this is all for Legazpeños. Tayo naman ay nandito lang to serve. Sabi ko nga yong pagtakbo ko this is all for the love of Legazpi City talaga." ani Rosal.
Mapayapa at mabilis, ganito naman inilarawan ni Atty. Fatima Agua, Chairman ng City Board of Canvassers, ang proklamasyon ng lahat ng nanalong kandidato sa Legazpi.
Dagdag pa ni Atty Agua, mataas ang turnout ng mga bumoto ngayong eleksyon.
"Mataas na, 91 percent yong nag boto ngayon May 9,2022, national and local election mataas yong turnout," ani Agua.
Wala naman daw naging malaking problema ang naitala ng COMELEC Legazpi sa mga vote counting machine maliban sa ilang bilang ng mga hindi nabasa ng balota.
"Hindi ko siya ma access kasi 212 yong mino-monitor ko. Meron ngang ganon na case pero that is common not only in Legazpi but nationwide."
Hinihintay naman ang proklamasyon bilang bise alkalde ng Legazpi si Bobby Cristobal na may 56,380 votes, gayundin ang ilan pa sa mga konsehal.
-- Ulat ni Mitch Villanueva