Mga pulis at demonstrador sa harap ng main office ng Commission on Elections sa Intramuros, Maynila, Mayo 10, 2022. Jervis Manahan, ABS-CBN News
(UPDATE) Nagdaos ngayong Martes ng kilos-protesta ang ilang grupo sa may tanggapan ng Commission on Elections sa Intramuros, Maynila para kuwestiyunin ang resulta ng halalan.
Kabilang sa mga lumahok sa protesta ang ilang estudyante, human rights groups, at mga organisasyong Gabriela at Anakbayan.
Mahigpit ang seguridad sa Comelec at maraming pulis ang nagbabantay.
Nagkaroon ng tensiyon nang subukang lumapit ng mga demonstrador sa entrance ng gusali.
Bandang tanghali ay lumipat ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio.
Hanggang alas-11:47 ng umaga, patuloy na nanguna sa presidential race si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na nakakuha ng higit 30.8 milyong boto, base sa partial at unofficial results.
Pumangalawa naman si Vice President Leni Robredo na may 14.7 milyong boto.
Sa vice presidential race, llamado si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng higit 31.2 milyong boto.
Ilan sa mga naging aberya noong halalan ang pagpalya ng maraming vote-counting machine, dahilan para maantala ang botohan sa ilang polling precinct.
MGA REHIYON
Nagsagawa rin ng mga kilos-protesta ang ilang progressive groups sa Aklan.
Ayon kay Kim Sin Tugna, OIC ng Alyansang Makabayan sa Aklan, ikinadismaya ng mga progresibong grupo sa nasabing probinsya ang nangyaring botohan kahapon dahil sa depektibong Vote Counting Machine (VCM).
Matapos ang ilang minuto ay kaagad na naghiwa-hiwalay ang nasa 100 na kalahok sa protesta.
Nanawagan din ang iba pang progresibong grupo na i-reject si Marcos dahil sa pagmani-obra umano sa resulta ng eleksyon.
Suot-suot naman ng mga nagpo-protesta sa Cebu ang kulay itim, habang sigaw ang "Never again" bilang pagprotesta sa pagbabalik ng pamilyang Marcos sa Malacanang.
“We received a lot of reports that there were harassment, violence related to election and red-tagging, even pre-shaded ballots,” ani Kabataan Tayo ang Pag-Asa convenor Cling Cimafranca.
— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News; may mga ulat din nina Rolen Escaniel at Annie Perez
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.