Community pantries sa 'red zones' sa Legazpi, inihinto muna

ABS-CBN News

Posted at May 10 2021 11:43 PM

Ipinatigil muna ni Mayor Noel Rosal ang operasyon ng mga community pantry sa 9 na barangay na nasa red zone sa Legazpi City, Albay.

Ayon sa City Inter-Agency Task Force, red zone ang isang barangay kapag nakapagtala dito ng di bababa sa 5 kaso ng COVID-19, gaya sa Bgy. Rawis, Legazpi.

Nauunawaan naman ito ng mga nagtayo ng community pantry sa lugar.

Ayon kay Rosal, sinunod lamang niya ang rekomendasyon ng City IATF, lalo’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa Legazpi.

Aniya, mapapabilis ang pagbabalik-operasyon ng mga community pantries sa red zone kung mahigpit na susunod ang publiko sa health and safety protocols.

Tuloy-tuloy naman sa paglayag ang floating community pantry ng Philippine Coast Guard-Camarines Sur na nag-umpisa sa dagat ng Balatan.

Noong isang araw, bukod sa mga pagkain, nag-abot sila ng tig-P100 sa mga naayudahang mangingisda sa bayan ng Tinambac.

Mula ang mga ito sa 907th PCG Auxiliary Squadron at pribadong grupo na nagmamalasakit sa mga mangingisdang apektado ng pandemya.

Ayon kay Lt. Ailene Abanila, station commander ng PCG-Camarines Sur, nakapagbigay na rin ng ayuda ang floating community pantry sa ilang mangingisda sa Bicol River at coastal areas ng San Jose at Pasacao.

Umabot na umano sa mahigit 400 mangingisda ang natulungan nila.

“Sana po yung konting tulong na naihatid po naming sa kanila ay kahit papano ay makapagbigay ng konting kasiyahan sa kanila,”ani Abanilla.

Hango ang ideya ng floating community pantry sa Maginhawa community pantry sa Quezon City. 

-ulat ni Jonathan Magistrado

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.