PatrolPH

Barangay chairman sa Cagayan patay sa pananambang

ABS-CBN News

Posted at May 10 2021 07:40 PM

MAYNILA — Patay ang isang punong barangay sa bayan ng Buguey, Cagayan matapos siyang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin noong Sabado ng hapon. 

Kinilala ang biktima na si Renante Ritarita, 46, punong barangay ng Fula. 

Ayon sa Buguey police, naghatid lang ang biktima ng panambak na lupa sa isang bahay at pauwi na sana nang tambangan sa bahagi ng kalsada sa Barangay Remebella ang minamaneho niyang mini-dump truck.

Doon na siya pinaulanan ng bala ng dalawang lalaki na naka-bonnet. 

Nawalan ng kontrol at nahulog ang mini-dump truck sa palayan. Doon na rin sa loob ng sasakyan nadiskubre ng mga rumespondeng pulis ang duguang katawan ng biktima. 

Batay pa sa imbestigasyon, bago ang pananambang ay nakita umano ng ilang residente ang mga salarin na bumaba sa isang kotse at nagtago sa mga talahib. 

Tumakas naman sila sakay ng isang SUV patungo sa direksiyon ng national highway.

Narekober sa pinangyarihan ng pananambang ang 16 na basyo ng M16 rifle. 

Natagpuan din ang belt bag ng biktima na may lamang pera, 2 bala para sa kalibre .45 na baril, cellphone, at handheld radio. 

Patuloy ang imbestigasyon ukol sa motibo ng pagpatay. 

Ipinag-utos naman ni Buguey Mayor Llyod Antiporda sa pulisya ang pagtugis sa mga salarin at pagresolba sa kaso para mabigyan ng hustisya si Ritarita. 

—Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.