PatrolPH

65 anyos na babae patay sa sunog sa Caloocan; sunog sa Maynila, Davao sumiklab

ABS-CBN News

Posted at May 10 2021 12:09 PM | Updated as of May 10 2021 01:44 PM

65 anyos na babae patay sa sunog sa Caloocan; sunog sa Maynila, Davao sumiklab 1
Nasunog ang isang bahay sa BF Homes, Caloocan City nitong Mayo 10, 2021. Retrato mula sa Barangay 168

MAYNILA (UPDATE) — Patay ang isang babaeng senior citizen matapos ma-trap sa loob ng nasunog na bahay sa Caloocan City nitong madaling araw ng Lunes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Caloocan, natagpuan ang 65 taong gulang na babae sa bathtub ng bahay sa Marigold Street, BF Homes.

Sa halip daw kasing makalabas siya sa kasagsagan ng sunog, napunta siya sa loob ng banyo.

Naapula ang sunog pasado alas-4 ng madaling araw, 1 oras matapos itaas ang first alarm dito.

Nakaligtas naman ang 4 na kasama sa bahay ng biktima, kabilang ang 2 bata.

Hindi naman kumalat ang apoy.

Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.

Sa Maynila, sumiklab din ang magkasunod na sunog sa Tondo at San Andres Bukid nitong umaga ng Lunes.

Unang tinamaan ng sunog ang isang residential area sa Tondo bandang alas-8 ng umaga, na idineklarang under control pasado alas-10 ng umaga.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at halaga ng pinsala sa ari-arian.

Bandang alas-10:13 ng umaga naman nang itaas ang first alarm sa sunog sa residential area sa kanto ng Onyx at Estrada streets sa San Andres Bukid.

Tinatayang 6 na bahay ang natupok sa sunog, na idineklarang fire out alas-10:52 ng umaga.

Posibleng nag-umpisa ang sunog sa napabayaang electric fan, sabi ng BFP.

65 anyos na babae patay sa sunog sa Caloocan; sunog sa Maynila, Davao sumiklab 2
Nasunog ang bahagi ng isang mall sa Bajada, Davoa City nitong Mayo 10, 2021. Retrato mula kay Angel Chan

Sa Davao City, nasunog ang restaurant sa isang mall sa Bajada pasado alas-10 ng umaga.

Mabilis namang rumesponde ang mga bumbero kaya hindi na nadamay sa sunog pa ang ibang katabing tindahan.

Itinuturing lang ding "partially damaged" ang restaurant na pinagmulan ng sunog, na naapula sa loob nang 30 minuto.

Oil deposits mula sa grill ang nakikitang sanhi ng sunog.

"Naggi-gril sila kanina, tapos napunta ang apoy sa oil residue... Scheduled for maintainance na kasi dapat 'yon," sabi ni Senior Fire Officer 2 Ramil Gillado.

Wala naman umanong nasugatan sa insidente at umabot sa P10,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

— Ulat nina Jervis Manahan at Jerome Lantin, ABS-CBN News, at Chrislen Bulosan

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.