'Sayang effort': NCRPO chief inaming palyado ang gamit na thermal scanners

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 03:19 PM

MAYNILA — Inamin ngayong Linggo ng pinuno ng pulisya sa Metro Manila na palyado at hindi na accurate ang reading ng mga ginagamit nilang thermal scanner.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Maj. Gen. Debold Sinas, hindi na tama ang reading thermal scanners nila lalo kapag mainit ang panahon kaya hindi na sila kumukuha ng temperatura ng mga lumulusot ng checkpoint sa mga oras na tirik ang araw.

"Karamihan talaga, dahil sa init, lalo na kapag naka-motor ka, hawak mo 'yong helmet mo, kapag nabuksan 'yan, talaga ang temperature ng tao mataas," ani Sinas sa isang virtual press briefing.

"Kung ganoon, useless, hindi namin pinapakuha, sayang 'yong effort," dagdag niya.

Sa ngayon, wala pa raw alternatibong gamit ang NCRPO para sa mas accurate na pagkuha ng temperature.

Chine-check ang temperature ng tao para makita kung may lagnat ang mga ito bilang pag-iingat sa pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19. -- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.