Tatlo ang naaresto matapos mauwi sa bulyawan ang pamimigay ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) sa Barangay Culiat, Quezon City ngayong Linggo.
Ayon sa barangay chairman na si Vic Bernardo, inakala ng mga residenteng hindi pa nabibigyan ng tulong pinansiyal na ngayong Linggo mamamahagi ng ayuda ang mga opisyal ng barangay.
Pero ayon kay Bernardo, sa Lunes, Mayo 11 pa nakatakdang ibigay ng Quezon City Social Services Development Department ang pondo para sa natitirang SAP beneficiaries sa lugar.
Nang pauwiin ang mga pumilang residente, may ilan umanong naiwan, at pinagmumura at pinagbantaan ang mga tauhan ng barangay.
"Wala naman ako in-announce na ngayon 'yong payment... eh nakapila sila doon. Siyempre natural papaalisin namin," kuwento ni Bernardo.
"Iyong mga 80 percent nakinig, nag-uwian kasi bukas 'yong nakuha kong schedule. Tapos noong may natira, gumawa ng gulo," aniya.
Nasa 700 residente ng barangay na lamang ang hindi nakakuha ng cash aid mula sa SAP.
"Actually tapos na kaming mag-ano ng payment ng SAP, ang natira na lang, mga unclaimed. Halimbawa, iyong mga schedule na hindi nakarating," paliwanag ni Bernardo.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang 2 lalaki at isang babae na nagpasimuno umano ng gulo.
Sa Barangay Bagong Pag-asa naman, nagkabalyahan ang mga residente para makauna sa pila sa bigayan ng SAP cash aid.
Ayon kay Rodolfo Palma, chairman ng barangay, nagpatawag sila ng pulis para isaayos ang pila dahil ayaw makinig ng mga residenteng nag-uunahan.
"Nawawala na sa kanila 'yong social distancing, physical distancing," ani Palma.
"Makakakuha ka nga ng pera diyan, magkasakit ka naman, magkahawa-hawa kayo diyan," dagdag niya. -- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, metro, social amelioration program, cash aid, financial assistance, Quezon City, Barangay Culiat, Barangay Bagong Pag-asa, bulyawan, gulo, TV Patrol, Isay Reyes