PatrolPH

Occidental Mindoro binulabog ng magnitude 5.4 na lindol

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 05:27 PM | Updated as of May 10 2020 06:50 PM

Watch more on iWantTFC

Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang Lubang Island, Occidental Mindoro nitong madaling araw ng Linggo, sabi ng Phivolcs.

Sa unang abiso ng Phivolcs, sinabi nitong magnitude 5.5 ang lakas ng lindol pero kalaunan ay na-downgrade ito sa magnitude 5.4.

Sa lakas ng lindol, naramdaman ito sa ilang lugar sa Metro Manila, Central Luzon region, Calabarzon region, at Mindoro.

Tectonic umano ang lindol na may lalim na 85 kilometro. Ang lokasyon nito ay nasa 31 kilometro hilagang silangan ng Lubang.

Ayon kay Lubang Mayor Michael Orayani, hindi nagtagal ang nasabing lindol pero nangamba ang mga residente na baka magdulot ang pagyanig ng mga tsunami.

"Noong naramdaman ko po 'yong lindol, ako po'y agad na lumabas at pumunta po ako sa tabi ng dagat," ani Orayani.

Kahit walang inilabas ng tsunami warning ang Phivolcs, inalerto ng lokal na pamahalaan ang mga taga-Lubang lalo at posible ang aftershocks.

"Kahit nasaan man kayo dobleng pag-iingat po," ani Orayani sa kaniyang mga constituent.

Wala naman nakitang na-damage na gusali at bahay sa inspeksyong isinagawa ng mga lokal na opisyal. -- Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.