Obispo umapelang payagan na ulit ang misa sa ilalim ng GCQ

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 04:02 PM | Updated as of May 11 2020 08:06 PM

Umapela ngayong Linggo sa gobyerno ang isang obispo na payagan na ulit ang mga manananampalataya na makadalo sa mga misa sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Manila apostolic administrator, hindi nangangahulugang magkakaroon na ng mass gathering kapag pinayagan uli ang pagdalo ng mga tao sa misa dahil kaya namang kontrolin ang dami ng mga dumadalo.

Watch more in iWantTFC

"Hindi naman ibig sabihin ng religious services, may mass gathering, may large gathering. Kasi puwede naman namin makontrol 'yong mga gathering," ani Pabillo sa panayam ng ABS-CBN News.

"Ang aming hinihiling pagdating ng GCQ, payagan na ang religious services," ani Pabillo, na nanguna sa online mass mula sa Our Lady of Peñafrancia Shrine sa Maynila.

Ayon kay Pabillo, naglabas na sila ng tagubilin o pastoral protocol sa Archdiocese of Manila para sundin ng mga mananampalataya sakaling payagan nang dumalo ulit sa mga misa.

Kabilang umano sa mga protocol ay ang pagsunod sa social distancing, pagsusuot ng mask, at pagtakda ng pagitan ng mga oras sa bawat misa.

Ayon kay Marivic Sumasino, parishioner sa Our Lady of Peñafrancia Shrine, sana ay ikonsidera ng gobyerno na mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makapunta sa simbahan kahit isang beses kada linggo para magmisa.

"Mag-ingat na lamang kami," ani Sumasino.

Sinabi ni Sumasino na sa pananampalataya siya kumukuha ng lakas sa panahon ng pagsubok, gaya ngayong may krisis sa coronavirus disease (COVID-19). 

Nakatakda sanang payagan ang pagdaraos ng religious event, tulad ng mga misa, na may sinusunod na health protocol sa mga lugar sa ilalim ng GCQ.

Pero hindi na ito itinuloy ng gobyerno matapos apelahin ng mga lokal na opisyal, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. -- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.