PatrolPH

Isa pang barangay sa Mandaluyong sasailalim sa 'total lockdown'

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 04:41 PM | Updated as of May 10 2020 06:54 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Isasailalim sa total lockdown simula hatinggabi ng Lunes ang Barangay Mauway sa Mandaluyong City para bigyang daan ang pag-test sa mga residente para sa coronavirus disease (COVID-19).

Ang Barangay Mauway ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod, na umabot na sa 71.

Sa ilalim ng lockdown — na tatagal nang 3 araw — mahigpit na ipagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga residente maliban sa mga frontliner.

Habang naka-lockdown, 1,500 "vulnerable residents" ang sasailalim sa rapid testing para malaman kung nahawahan sila ng COVID-19.

Kapag nagpositibo sa rapid test ay kailangan pang sumailalim sa confirmatory test.

"Kapag nakuha namin silang positive na, inihihiwalay na muna namin sila sa isang school at gymnasium po. For the meantime, nandiyan sila habang inaantay po ang result ng swabbing nila," ani Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos.

Ayon kay Tata Manayon, barangay secretary, kung silang mga opisyal ng barangay ang masusunod ay gagawin nilang isa hanggang 2 linggo ang lockdown.

Nitong Linggo, puspusan na rin ang pamamahagi ng mga tauhan ng barangay ng relief packs para sa mga residente.

Ngayong Linggo rin tatapusin ng Department of Social Welfare and Development ang pamimigay ng tulong pinansiyal sa mga pamilya sa ilalim ng social amelioration program.

Una nang nagpatupad ng lockdown ang Barangay Addition Hills, na nagsimula noong Mayo 7 hanggang Mayo 13. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.