PatrolPH

ALAMIN: 3 uri ng quarantine na posibleng ipatupad sa NCR sa Mayo 15

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 06:05 PM | Updated as of May 10 2020 07:00 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Inaasahan na sa mga susunod na araw ay masasagot na ang tanong ng marami kung magpapatuloy ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lungsod sa Metro Manila para makontrol ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nagpulong na noong Sabado ang lahat ng mga alkalde sa Metro Manila o National Capital Region (NCR) at sentro ng diskusyon nila ay kung ano ang gagawin matapos ang Mayo 15, ang itinakda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na pagtatapos ng ECQ. 

Mahigit 4 na oras ang itinagal ng pagpupulong. Ang napagkasunduan nila ay tatlong magkakaibang rekomendasyon na ipipresinta sa IATF: 

Ang unang rekomendasyon ay palawigin pa muli ang ECQ nang hanggang 2 linggo. Maximum na umano ito dahil marami nang naluluging negosyo.

Ikalawa ay isailalim na ang Metro Manila sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) kung saan papayagan na ang ilang negosyo at pampublikong transportasyon ngunit limitado ang papasok na empleyado at sasakay na mga pasahero.

Pangatlo ay modified GCQ kung saan maaaring magpatupad ang mga lokal ng pamahalaan ng lockdown sa mga barangay na maraming kaso ng COVID-19. 

Pero giit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), isa lang ang dapat piliin ng IATF.

"Isa lang ang boses ng NCR, hindi naman puwedeng ang isang lugar ECQ, ang isang siyudad GCQ. We leave it to the wisdom of IATF kung ano ang decision nila, ang whatever it is we will follow and definitely po naka-ready ang ating mga LGU," sabi ni MMDA general manager Jojo Garcia. 

Pinaghahandaan na rin ng LGUs ano man ang mapipili ng IATF.

Halos 2 buwan na mula nang unang ipatupad ang quarantine sa Metro Manila. 

Sa tala nitong Linggo, umabot na sa 10,794 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 719 dito ang nasawi habang 1,924 ang nakarekober. —Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.