PatrolPH

2 'miyembro ng drug group' patay sa engkuwentro sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 03:53 PM

Patay ang 2 umanong miyembro ng isang drug group matapos makipagbarilan sa mga pulis sa may South Luzon Expressway (SLEX) sa Calamba, Laguna noong Sabado.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Renato Bayot at Edgardo Aguilar, kapwa itinuturing na high-value target ng Laguna police at miyembro umano ng Barok Fajardo drug group.

Dawit ang naturang grupo sa pangangalakal ng ilegal na droga, pagnanakaw at kidnapping, ayon kay Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., hepe ng Calabarzon police.

Binentahan umano ng mga suspek ang isang pulis na nagpanggap na buyer pero nakatakas ang mga ito nang huhulihin na.

Naharang ang mga suspek kaya nakipagbarilan ang mga ito sa mga pulis, ayon sa mga awtoridad.

Nakuha sa mga suspek ang 35 gramo ng hinihinalang shabu na nasa higit P800,000 ang halaga at mga baril.

Nailulusot ng mga suspek ang ilegal na droga sa checkpoint dahil nagpapanggap silang magde-deliver ng essential goods, ayon kay Danao.

Noong nakaraang buwan, 2 miyembro rin ng Barok Fajardo drug group ang napatay sa police operation sa Calamba.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.