PatrolPH

Paghahatid ng mga VCM sa isang barangay sa Apayao, pahirapan

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 12:17 AM

KABUGAO, Apayao - Umpisa na ng paghahatid ng mga vote-counting machine (VCM) sa mga iba't ibang barangay sa Apayao para sa darating na halalan sa Lunes.

Pero sa Barangay Laco sa Kabugao, pahirapan ang paghatid ng mga Board of Election Inspectors (BEI) sa mga VCM dahil kailangan nilang itawid ang mga ito sa ilog.

Noon pa man ay ganito na umano ang ginagawa nila para dalhin ang mga gagamitin para sa eleksyon.

Pero kapag bumabagyo o malakas ang ulan, ipinagpaliban na lang muna ang paghahatid sa mga VCM at balota.

“Yung mahirap dito kung minsan yung tubig... kapag ganito na maulan eh hindi po pwede makatawid kapag ganun," kuwento ni Gladys Manfalang, miyembro ng BEI.

May plano umano sana ang lokal na pamahalaan na magtayo ng tulay pero wala pang pondo.

“Sana meron ding tulay dito maam at mga daan namin matapos din para passable ang vehicles at tao," ayon kay Susan Agudelo, residente sa Barangay Laco at miyembro ng BEI.

Halos lahat ng mga kandidato sa Apayao ay walang kalaban. Inaasahan na parehong mga opisyal pa rin ang uupo pagkatapos ng eleksyon kaya hamon daw sa kanila ngayon na matupad ang pangako na magkaroon na ng tulay sa nasabing barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.