Pagbebenta ng P27/kilong NFA rice 'magpapatuloy': DA

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 06:37 PM

Magpapatuloy ang pagbebenta ng P27 kada kilo na bigas ng National Food Authority (NFA) sa gitna ng pagapatupad ng Rice Tariffication Law, ayon sa Department of Agriculture.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, may kautusan umano si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang pagbebenta ng murang bigas sa publiko.

"The President has given a directive that NFA should continue selling at P27 even if the rice that we will be using will already be local rice,” ani Piñol.

Matatandaang nakalagay sa implementing rules and regulations ng batas na malilimitahan na lang ang papel ng NFA sa pagkuha ng buffer stock para sa kalamidad.

Bago ibaba ang kautusan, nakatakda sanang mawala sa merkado ang P27 bigas simula Agosto.

Ayon kay NFA officer-in-charge administrator Tomas Escarez, malaking tulong ang pagpapanatili ng P27 bigas sa mga mahihirap na pamilyang umaasa rito.

Kabilang sa makikinabang dito ang mamimiling si Cristina Magdaraog, na umaasa sa NFA rice sa pagpapakain ng kaniyang limang anak.

"Kaya lang ng budget ko 'yung P27. Kung mawawala po 'yan, mahihirapan [kami] lalo na talaga 'yung maraming anak. 'Yung konsumo sa pera, pinagkakasya lang namin," ani Magdaraog.

Pero hindi kumbinsido si Cathy Estabillo, tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, na magtatagal ang kautusan ni Duterte.

"Kung talagang seryoso 'yung gobyerno na tuloy-tuloy 'yan sa pamimili at pagbebenta ng murang bigas dapat inuna niya yung i-repeal o i-revoke niya 'yung piniramahan niya sa IRR,” ani Estabillo.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.