Labor group hihingi ng higit P700 umento sa ilang parte ng Luzon, Mindanao

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 06:25 PM

Maghahain ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines
(TUCP) sa wage board upang hilingin na dagdagan ang minimum wage ng mga manggagawang nasa pribadong sektor.

Sa ihahaing petisyon, hinihiling ng TUCP na magkaroon ng P768 dagdag sa minimum wage sa pribadong sektor sa Central Luzon at Calabarzon.

Hinihiling naman nilang magkaroon ng P782 dagdag sa minimum wage sa Northern Mindanao.

Kasalukuyang nasa P400 ang minimum wage sa Central Luzon at Calabarzon habang nasa P365 ang minimum wage sa Northern Mindanao.

Ayon kay Luis Corral, TUCP Vice President, hindi kapanipaniwala ang binabanggit ng mga economic managers na lumalago ang estado ng ekonomiya at sapat ang P10,000 para sa isang pamilya kada buwan.

Kasabay aniya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi naman itinataas ang sahod ng mga manggagawa kaya paanong sasapat ang P10,000 kada buwan.

Giit ni Corral, madalas pa ay kulang ang naiuuwing sahod ng mga manggagawa sa kanilang pamilya.

Pinabulaanan din ng grupo na sinasabayan lang nila ang panahon ng pangangampanya at halalan.

Giit ng grupo na hindi pa man nag-uumpisa ang panahon ng pangangampanya at halalan, nakararanas na ng hirap at gutom ang mga manggagawa.

Ganoon din anila ang magiging sitwasyon nila kahit na matapos na ang halalan.

Aminado ang grupo na suntok sa buwan ang kanilang hinihiling na umento sa sahod pero kailangan anila itong gawin para kalampagin ang administrasyon upang malaman ang tunay na estado at dapat seryosohin ang problema ng mga manggagawa sa bansa.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.