PatrolPH

DOE: Yellow alert posibleng itaas sa Luzon power grid sa Mayo 14

ABS-CBN News

Posted at May 10 2019 04:23 PM

Inanunsiyo ng Department of Energy nitong Biyernes na posibleng itaas ang yellow alert sa Luzon power grid sa Mayo 14, kung kailan inaasahan ang patuloy na bilangan ng boto matapos ang eleksyon sa Lunes.

Ang yellow alert ay nangangahulugan na manipis ang reserba ng kuryente sa grid.

Ayon kay DOE Spokesperson Wimpy Fuentebella sa isang press-conference, magkakasabay ang demand sa kuryenteng kinakailangan ng mga voting precincts, sa pagbibilang ng boto at ang demand ng kuryente sa mga magbabalik-opisina sa araw na iyon.

"Pagdating sa May 14, one day after the elections, we have sufficient supply also. Pero since mataas ang demand niyan dahil balik-trabaho po tayo, nandoon po siya sa borderline ng normal situation papuntang yellow alert," ani Fuentebella.

Pero nilinaw ni Fuentebella na hindi naman ito nangangahulugan na magbabrownout na sa araw ng bilangan.

Tiniyak rin niya na may sapat na suplay ng kuryente sa araw ng halalan sa Lunes, Mayo 13.

Dahil sa nakaambang yellow alert, nanawagan ang DOE sa publiko na tumulong rin sa pagtitipid ng kuryente sa araw ng eleksyon at maging sa bilangan.

Hangga't maaari tanggalin sa saksak ang mga appliance na hindi naman ginagamit at iwasang gumamit ng plantsa mula ala-1 hanggang alas-4 ng hapon kung kailan inaasahang mataas ang demand sa kuryente.

Nanawagan din ang DOE na isumbong sa kanila ang mga namamataang nais manabotahe sa suplay ng kuryente.

-- May ulat nina Willard Cheng at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.