Pampasabog na natagpuan sa Cotabato, 'panakot' lang ayon sa pulisya

Jasper Acosta at Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 08:09 PM

COTABATO CITY - Natagpuan ng pulisya ang isang pampasabog sa isang iskinita sa Interior Mabini, Barangay Bagua 3, Cotabato City Miyerkules ng gabi.

Isang pampasabog na gawa sa 81-millimeter na mortar ang nakita sa lugar. Agad rin itong na-disrupt ng Explosive Ordnance Disposal team.

Sa follow-up investigation ng Cotabato City Police Office, naka-sakay sa trisikad ang taong nag-iwan ng supot na may lamang mortar round sa gilid ng kalsada.

Ayon sa pulisya, wala umanong kakayahang sumabog ang mortar round dahil walang nakakabit na trigerring device.

"Ito ay pananakot lamang dahil walang triggering device na nakakabit sa mortar round...inaalam pa natin ang taong nag-iwan nito sa lugar," ani Cotabato City Police Director Senior Superintendent Rolly Octavio.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, mabuti na lamang at napigilan ng mga awtoridad at residente ang tangkang pambobomba sa lungsod, dahil tiyak na malaking pinsala ang maidudulot nito.

"Wala itong kinalaman sa papalapit na eleksyon. Ito ay panakot lamang dahil wala namang triggering device," ani Cotabato City Mayor Cynthia Guiani.

Hinihikayat ng pulisya ang lahat ng residente na manatiling alerto sa lahat ng panahon upang mapigilan ang anumang banta ng karahasan.

Samantala, mula sa 37 barangay sa lungsod, 10 barangay ang tinukoy ng pulisya bilang areas of concern dahil sa matinding alitan sa pulitika.

Kabilang sa mga barangay na ito ang Bagua Mother, Poblacion Mother, Rosary Heights 3, Rosary Heights 6, Rosary Heights 7, Tamontaka Mother, Tamontaka 3, Tamontaka 4, Kalanganan 1 at Kalanganan 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.