Pagbaba ng tubig sa La Mesa Dam, mararamdaman sa ilang lugar sa Luzon

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 12:26 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namemeligro na ang supply ng tubig sa ilang lugar sa Luzon dahil sa pagpalo sa critical level ng tubig sa La Mesa Dam.

Nitong alas-8 ng umaga ng Miyerkoles, nasa 72.62 meters na lang ang water level sa La Mesa Dam na pinakamababang nibel nito, ayon sa Manila Water.

Nasa 79 meters ang water level noong tag-init ng 2016 at 77 meters naman noong May 2017.

Sa ngayon, nakararanas na ng mahinang water pressure ang ilang customer ng Manila Water dahil sa pagbaba ng nibel ng tubig sa La Mesa Dam. 

"Ang demand ngayon ay mas mataas na kaysa doon sa alokasyong nakukuha natin," ani Jeric Sevilla, Manila Water spokesman.

Babala ng Manila Water, kapag tumuntong ng 69 meters ang nibel ng tubig sa La Mesa Dam, maaaring magsara na ang East La Mesa Treatment Plant na makaaapekto sa suplay ng tubig ng mga taga-Marikina, San Mateo, at Rodriguez, Rizal.

Puwede ring maapektuhan ang mga customer sa Pasig at Taguig.

Magkakaproblema rin ang treatment plant dahil kapag nasa pinakailalim na ang tubig na ipoproseso, mas maburak na ito. 

Sa Hunyo pa inaasahang magsisimula ang panahon ng tag-ulan.

Kahit naman umuulan sa hapon hanggang gabi nitong mga nakaraang araw, hindi raw sumasakto ang buhos ng tubig sa loob ng dam na sana'y makapagpapataas ng nibel ng tubig. 

MAYNILAD

Hindi pa nareresolba nang lubos ang problema sa alokasyon ng tubig ng Maynilad. 

Ilang lugar pa rin sa Quezon City at Camanava ang nawawalan ng tubig o kaya'y nakararanas ng mahinang water pressure tuwing gabi hanggang madaling araw.

Tinatayang katumbas ito ng 310,000 customers ng Maynilad.

Paliwanag ng Maynilad, hindi pa rin kasi nagiging normal ang suplay ng tubig sa Bagbag reservoir na imbakan ng tubig ng naturang water concessionaire.

Sa halip daw na 60 porsiyentong alokasyon, 58 porsiyento pa rin lang ang nakukuhang alokasyon ng Maynilad mula sa Angat Dam.

"Kailangan namin talaga ma-refill ang Bagbag reservoir para maabot niya ang 70 meters water elevation level."

Naghahatian ang Maynilad at Manila Water sa tinatayang 4.08 bilyong litro ng alokasyong tubig mula sa Angat Dam.

Noon lang Abril, nagbanta ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na kakanselahin ang kontrata sa Maynilad at Manila Water kapag di pa naresolba ang isyu sa hatian ng suplay ng tubig na nagdudulot na water interruption o low water pressure sa mga customer ng Maynilad.

Dati nang sinabi ng Manila Water na makikita sa non-revenue water ng Maynilad kung gaano karaming tubig ang nasasayang sa sistema nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.