P10-M halaga ng pekeng yosi, nasamsam sa 2 bodega sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 03:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang nasa P10 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa 2 warehouse sa Pampanga.

Sa pagbukas pa lang ng bodega sa isang industrial park sa San Simon, Pampanga, tumambad agad sa mga awtoridad ang kahun-kahon na magkakaibang brand ng sigarilyo.

Gamit ang dalang device, kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na counterfeit ang tax stamps ng mga ito.

Ang tax stamps ang patunay na nagbayad ng buwis ang isang produkto tulad ng alak at sigarilyo.

Sabi pa ng mga lehitimong manufacturer ng sigarilyo, peke ang mga produktong nakuha sa warehouse.

Nakita ring nakatakip ang milyun-milyong halaga ng raw tobacco pati ang reject cigarettes na nasa hiwalay na mga kahon.

Samantala, pinasok din ng mga awtoridad ang isa pang warehouse sa parehong industrial park.

Dito bumulaga sa kanila ang mahigit tatlong milyong piraso ng cigarette filters, 3 makinang panggawa nito, acetate, at iba pang packaging materials.

Hindi inabutan sa parehong raid ang Chinese businessman na umano'y umuupa sa 2 pinasok na warehouse.

Susulatan naman ng BIR ang umuupa sa mga warehouse para makapagpaliwanag.

"We will require him to answer in 15 days. We will give them due process," ani Sonny Advincula, BIR strike team head. 

Hindi bababa sa P10 milyon ang halaga ng mga sigarilyong nakuha sa dalawang ni-raid na bodega. --Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.