Mga biktima ng lindol sa Leyte, sa tent pa rin nakatira

ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 06:47 PM | Updated as of May 10 2018 11:45 PM

Ilan lang sina Michael Mistula at ang kaniyang sanggol na anak na si Cris sa mga mapalad na nakaligtas nang tumama ang isang 6.5 magnitude na lindol sa Leyte, isang taon na ang nakalilipas.

Intensity V ang naramdamang pagyanig sa Ormoc City, kung saan nakatayo ang tahanan ni Michael, na ayon sa disaster management office ng lungsod ay malapit umano sa fault line.

"In the area, makikita mo talaga doon nagta-traverse 'yong may crack... doon daw dumaan 'yong fault line. Malakas talaga ang pagyanig," paliwanag ni city disaster risk reduction management officer Ciriaco Tolibao.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa delikadong kinatitirikan ng mga bahay, sinabihan ng pamahalaang lokal si Michael at ang iba pang nakatira malapit sa fault line na ililipat sila sa relocation site.

Pero isang taon matapos ang trahedya, hindi pa rin nakalilipat sina Michael.

"Meron na daw malilipatan pero 'di pa nauumpisahan," ani Michael. "Kami naman lahat dito gusto nang makalipat pero wala talagang malilipatan."

Sa ngayon, nakatira si Michael at iba pang biktima ng lindol sa mga itinayong tent.

Paliwanag naman ni Tolibao, hinahanapan pa ng maayos at ligtas na lugar ang mga naapektuhan ng lindol.

"We're really planning to relocate those residents particularly doon sa mga hillside," ani Tolibao.

"Ang challenge lang sa LGU (local governement unit) is hindi pa kami nakakita ng safe area, na mabibiling lupa ng LGU for the residents na nakatira doon sa mga identified high-risk area," dagdag ni Tolibao.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa relocation, labis din ang pangungulila ni Michael sa kaniyang misis na si Rhissa, lalo at paparating na ang Araw ng mga Ina.

Kung mapalad kasi si Michael na nakaligtas, kabaligtaran naman ang sinapit ng kaniyang asawa, na isinakripisyo ang kaniyang buhay para maligtas ang anak na si Cris.

Wala noong mga panahon ng lindol si Michael sa kanilang bahay.

Dahil sa biglang pagyanig ng lupa, gumuho ang kanilang bahay at nabagsakan ng pader si Rhissa. Kinanlong nito ang anak na si Cris para maprotektahan habang naghihintay ng saklolo.

"Wala po akong nagawa. Tapos hindi, hindi po 'yon mangyayari sa asawa ko 'pag nandoon po ako," pagsisisi ni Michael.

Pinanghahawakan na lang ngayon ni Michael ang kaniyang pangako sa yumaong misis na palalakihin nang mabuti ang kanilang anak.

"Palalakihin ko po nang mabuti 'yung anak ko para sa kaniya para ‘di naman masayang 'yung buhay na pinalit niya," pangako ni Michael.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.