Lalaking may kasong murder, patay nang makipagbarilan sa pulis

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 05:56 PM

CANDELARIA, Quezon - Patay ang isang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay San Andres sa bayan ng Candelaria, Quezon Huwebes ng umaga.

Sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong double murder, aarestuhin na sana ng pulisya ang suspek na si Bernie Perez Dailo nang makipagbarilan ito sa mga pulis.

"Sa kasamaang palad itong ating suspek ay lumaban at napilitan ang ating mga kapulisan na gumanti," ani Police Senior Superintendent Osmundo de Guzman, direktor ng Quezon Provincial Police Office.

Matagal umanong minanmanan ng pulisya ang suspek mula nang nagtago ito.

Nakuha mula kay Dailo ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at dalawang hand grenade.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.