Kandidato sa Barangay polls, nahulihan ng mga baril

ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 12:41 PM

Kulungan ang bagsak ng isang kandidato sa pagka-Barangay Chairman matapos na mahulihan siya ng mga armas sa loob ng kaniyang bahay sa Cotabato City. 

COTABATO CITY - Kulungan ang bagsak ng 29-anyos na lalaki matapos na makuhanan ng mga baril sa ikinasang search warrant operation sa bahay nito sa Mabini Street, Barangay Bagua-3, Miyerkoles ng madaling araw.

Nakilala ang naarestong suspek na si Haakon Sinsuat na tumatakbong Barangay Chairman ng kanilang lugar. Nakuha sa kaniya ang isang kalibre .45 na baril at isang shotgun.

Ayon kay Chief Inspector Esmael Madin, deputy commander ng Criminal Investigation and Detection Group ng ARMM, isang buwan din nilang tiniktikan si Sinsuat.

“Nakatanggap tayo ng report na mayroong armas na itinatago itong si Haakon Sinsuat sa bahay nila kaya naglunsad tayo ng search warrant operation,” sabi ni Madin. 

Pahayag naman ni Sinsuat na wala silang masamang balak sa mga baril.

“Ang baril na ‘yun ay para pang depensa lamang ng aming sarili. Wala po kaming masamang hangarin sa armas,” sabi niya.

Ayon sa CIDG-ARMM, mahaharap sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Commission on Elections gun ban si Sinsuat.

Sa loob ng apat na buwan, 44 na armas na ang nasamsam ng CIDG-ARMM sa kanilang inilunsad na kampanya kontra loose firearms, habang nasa 40 wanted naman ang naaresto sa ilalim ng Oplan Pagtugis o ang pag-aresto sa mga taong may warrant of arrest sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.