Eskultor ng 'comfort woman' statue, may panawagan sa gobyerno

ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 07:38 PM

Masama ang loob ng eskultor ng "comfort woman" statue matapos alisin ang naturang estatwa sa Roxas Boulevard dalawang linggo na ang nakararaan.

Hindi mapigilan ng manlililok na si Jonas Roces ang maiyak sa harap ng kaniyang obra ilang oras bago ito alisin ng pamahalaan. Jonas Roces

Kuwento ni Jonas Roces, emosyonal siya nang daanan ang kaniyang obra ilang oras bago ito alisin ng lokal na pamahalaan. 

"Mas na-connect ko 'yung espiritu ko sa artwork ko, naramdaman ko talaga...Naramdaman ko 'yung emosyon ng biktima," kuwento niya. 

"Masama 'yung pakiramdam. Six hours bago tanggalin lumuluha ako," dagdag niya.

Tatlong buwan na pananaliksik at dalawang buwan ng paglililok ang ginugol ni Roces para sa bronze sculpture.

Simbolo umano ng rebulto ang hinagpis, lungkot, at galit ng mga Pilipina na naging comfort women noong panahon ng pananakop ng mga Hapon.

"Nagsisimbolo po siya ng kababaihan, ating ina, lola, 'yung suffering nila during the war," paliwanag ng artist. 

Kaya naman hindi lubos maisip ni Roces kung bakit ipinatanggal ito.

"First time nangyari na igi-give up mo ang kasaysayan para lang sa improvement," aniya. 

Ayon kasi sa lokal na pamahalaan ng Maynila, Abril 27, bandang alas-10 ng gabi tinanggal ang estatwa upang bigyang daan umano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang flood control project.

Pero giit ni Roces, lubos na mahalaga ang sining sa pagpapaalala ng mga pinagdaanan ng bansa. 

"Kung di mo papahalagahan ang kasaysayan, tayong Pilipino magiging mangmang," sabi niya.

Marami rin ang nagpahayag ng pagtutol lalo pa't sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sang-ayon siya sa pag-aalis nito. 

Sa ngayon, nahukay na ang lugar na dating pinagtayuan ng comfort woman statue. Naibalik na rin kay Roces ang naturang obra.

Pero panawagan niya, muli itong itayo para hindi malimutan ng mga kabataan ang mahalagang bahaging ito ng ating kasaysayan.

"Hiling natin na sana hanapan ng lugar at payagan ng gobyerno [na maitayo muli]," paki-usap ni Roces. 

Ang obra ay kinomisyon ng Tulay Foundation at Disyembre 8 noong nakaraang taon lamang ito itinayo.

Matatandaang nagpahayag ng disgusto ang Japan sa rebulto ilang buwan matapos itong itayo.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.