2 nangako ng 'endorsement' para mangikil sa kandidato, timbog

ABS-CBN News

Posted at May 10 2018 09:56 PM | Updated as of May 10 2018 11:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto nitong Martes sa Santa Rosa, Laguna ang dalawang lalaking nagpanggap na mga miyembro ng Iglesia ni Cristo at nangikil ng P600,000 sa isang kandidato sa barangay kapalit ng pangakong pag-endorso ng simbahan.

Sa entrapment operation hinuli ng pulisya ang mga suspek na sina Jerome Trinos at Paul Mark Umlas matapos silang isumbong ng isang kumakandidato bilang barangay captain.

"Mayroon sa kaniyang lumapit na nagpanggap na maimpluwensiya at makakatulong sa pagkapanalo, at nagsasabing may kakilala sa pamunuan ng Iglesia ni Cristo," ani Superintendent Eugene Orate, hepe ng Santa Rosa police.

Nabawi sa mga suspek ang halagang nakuha nila kapalit ang umano'y pag-endorso sa kandidatura ng biktima.

May nakuha ring isang kalibre .45 na baril at anim na live ammunition mula kay Umlas.

"Itong ating mga suspek ay hindi miyembro ng Iglesia ni Cristo. Sila po ay gumagamit lang ng pangalan ng Iglesia ni Cristo upang makapanloko," sabi ni Laguna police director Senior Superintendent Kirby John Kraft. 

Ayon pa kay Edwil Zabala, tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo, wala silang inutusan para lumapit sa sino mang kandidato.

"Ang pamamahala po ng Iglesia ni Cristo ay wala pong pinahintulutan, wala pong inatasan na sino man upang makipag-usap, lumapit o pumabor sa sino man pong kandidato sa darating na halalan kapalit ng suporta ng Iglesia ni Cristo," aniya.

Nanawagan naman ang pulisya na idulog sa kanila ang iba pang posibleng biktima ng kaparehong modus.

Kasong robbery extortion at paglabag sa gun ban ang haharapin ng mga suspek.

-- Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.