‘Pulis-tortionists’: Nangidnap, nangikil, nahuli

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 06:09 PM | Updated as of May 10 2017 10:44 PM

Kalaboso ang apat na pulis-Makati matapos mahuli sa aktong tumatanggap ng pera mula sa umano’y kinikilan nilang mga biktima sa Parañaque kagabi.

Bukod dito, inatas na ni National Police chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na tanggalin muna ang dalawa habang niimbestigahan, ayon kay National Capital Region police chief Dir. Oscar Albayalde. kailangan daw kasing tingnan kung may kinalaman ang apat na pulis sa ilegal na gawain ng kanilang mga tauhan. Pinasisibak din ni Albayalde ang iba pang tauhan ng Makati Police na posibleng dawit din sa modus.
 
Nagkasa ng entrapment operation ang PNP Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) kasunod ng sumbong ng magkasintahang hinuli, kinikilan, at tinakot pa umano ng mga suspek na pulis.

Ayon sa lalaking biktima, inaresto siya at ang kanyang nobya habang nasa isang talyer sa Pasay. Bigla na lang daw may lumapit sa kanilang nagpakilalang pulis na hindi naman daw naka-uniporme. 

Pilit daw silang isinakay sa itim na kotse. Inakala niyang dadalhin sila sa presinto pero sa halip ay sa ibang lugar daw sila dinala.

Hinihingan daw sila ng mga pulis ng P400,000 kapalit ng kanilang kalayaan. Nagmakaawa pa raw ang mga biktima dahil wala silang ganoong kalaking halaga ng pera. Nakipagtawaran pa raw sila sa mga mga pulis na babaan ito sa P250,000.

Inudyukan pa umano ng mga pulis ang lalaking biktima na isangla ang ginagamit niyang sasakyan ng ama para mabayaran na sila.

Pinakawalan ang mga biktima matapos magbigay ng paunang bayad na P100,000. Pero pinagbantaan daw ang buhay ng kanilang pamilya kung hindi agad maibigay ang natitira pang halaga.

Doon na dumulog ang mga biktima sa PNP-CITF. Tiklo sa entrapment operations sina PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynes, PO1 Tim Santos, at PO1 Jeffrey Caniete.

Sinampahan na ng mga kasong kidnapping at robbery extortion ang apat na pulis. Pinaghahahanap na rin ang kasamahan daw nilang dalawang sibilyan, isang aktibong pulis, at isang retiradong pulis.

Posible raw na marami nang nabiktima ang mga suspek maging sa Cavite. Hinihikayat ng PNP-CITF ang iba pang naagrabyado na magsampa rin ng reklamo.

Sinibak naman sa puwesto si Makati police chief Senior Supt. Dionisio Bartolome at ang hepe ng intel division na si Chief Insp. Oscar Pagulayan.

Sa tala ng PNP-CITF, 15 pulis na ang natitimbog dahil sa mga kasong may kinalaman sa pangingikil. Nasa 800 reklamo ang kasalukuyan nilang iniimbestigahan sa tinatayang 15,000 idinulog sa bagong-buong division na layong tutukan kapag may pagmamalabis ang mga pulis.

-- Ulat nina Maan Macapagal, Ernie Manio, Raffy Santos, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.