Pulis, namaril sa rambol; 1 patay

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 09:48 PM

ILOCOS SUR – Patay ang isang 33 taong gulang na lalaki matapos mabaril sa plaza ng Barangay Libtong sa bayan ng Tagudin sa Ilocos Sur.

Kinilala ang biktima na si Jake Olpindo.

Base sa imbestigasyon, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang ilan sa mga nag-iinuman sa plaza.

Kasama din sa nakikipag-inuman ang pulis na si PO1 Marvin Lorena. 

Sinuntok umano ni Lorena ang isang residente nang magtanong kung ano ang naging dahilan ng pag-aaway.

Dito na nagsimula ang rambol.

Mas lalo pa umanong nagalit si Lorena nang batuhin ito habang papauwi na sana.

“For unknown reasons, mayroon bumato sa kanya, hindi pa malaman kung saan nanggaling kaya bumalik siya at sa pagbalik nito dito na nagkaroon ng successive gun shots,” ani Tagudin, Ilocos Sur Police Senior Inspector Pol Areola.

Duguan na nang makita ang biktima na dead on arrival sa ospital dahil sa tamang tinamo sa mukha.

Agad naman sumuko si Lorena at isinuko din ang service firearm nitong caliber .45 na ginamit nito sa pamamaril.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban kay Lorena.

“Kahit pa pulis siya dapat ay panagutan niya ang nagawa niyang krimen” sabi ng lolo ng biktima na si Prudencio Somera.

Hindi pa naman iniharap sa media ang pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.