Panukalang national ID system, lusot na sa komite ng Kamara

Robert Mano, DZMM

Posted at May 10 2017 12:55 PM | Updated as of May 10 2017 06:25 PM

MANILA - Inaprubahan ng House population and family relations committee Miyerkoles ang panukalang batas para sa pagkakaroon pambansang ID system.

Nagbigay ng unanimous approval ang mga miyembro ng komite para sa Filipino Identification Act.

"Kung dati, napakarami nating ID, halos masira ang wallet natin sa dami ng kailangang iprisintang ID, sa pamamagitan nito ay isa na lang gagamitin nating ID at nag-identify tayo na magagamit ito sa iba-ibang ahensya ng gobyerno," ayon sa chairperson ng committee na si Laguna Rep. Sol Aragones. 

Sa ilalim ng substitute bill, magiging mandatory para sa bawat Pilipino edad 18 pataas na kumuha ng national ID. 

Libre itong ibibigay sa unang pagkakataon pero magbabayad na kung magpapa-reissue. 

Pangangalagaan ng Philippine Statistics Authority ang lahat ng personal data para sa ID at hindi ito maaaring ilabas nang walang kaukulang permiso. 

Mapaparusahan naman ng hanggang 2 taong pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P500,000 ang sinumang magbibigay ng maling personal information at gagamit nang hindi wasto sa ID, ayon kay Aragones. 

Ipapasa na sa appropriations committee ang panukala para sa funding requirement nito bago iakyat sa plenaryo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.