Oarfish natagpuan sa Agusan del Norte

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 03:49 PM

Isang oarfish ang natagpuan sa baybayin ng Barangay La Fraternidad sa bayan ng Tubay.

AGUSAN DEL NORTE - Isang oarfish ang natagpuan ng isang mangingisda sa baybaying dagat sakop sa bayan ng Tubay sa Agusan del Norte. 

Ayon kay Maricel Luzura, buhay pa ngunit nanghihina na nang mahuli ng kanyang kapatid na si Guillermo Luzura Jr. ang oarfish nitong Martes sa tabing-dagat malapit sa Barangay La Fraternidad sa bayan ng Tubay. 

Agad din itong namatay ilang oras lang ang nakalipas.

Sa cellphone video na kuha ni Jovarey Jane Buque, makikitang pinagkaguluhan habang pinagtulungan na buhatin ng mga taga-Tubay ang tinatayang mahigit 10 talapampakan na oarfish. 

Inilibing din ito agad sa baybayin ng Barangay Dos sa bayan.

Ayon kay Maricel, ilan sa kanila ang naniniwala na magiging masagana ang isda sa dagat at susuwertehin ang kapatid na si Guillermo na siyang nakakita sa oarfish sa dagat. 

Pinili umano ng kapatid nito na kuhanin na ang nanghihinang isda sa paniniwalang makakabuti kung mailibing ito ng maayos.

Una nito'y iilang oarfish na ang natagpuang patay sa mga baybayin ng Butuan City, Buenavista at bayan ng Carmen sa ibat-ibang bahagi Agusan del Norte. 

Ang mga oarfish ay natagpuan bago at pagkatapos ng 6.7 magnitude na lindol sa Surigao del Norte nitong Pebrero 10. 

Dahil dito, hindi maiwasan ng iba na mag-alala na sa pagkakakita ng panibagong oarfish sa dagat malapit sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.