Nat'l ID bill, umuusad, pero binabatikos dahil sa privacy

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 07:24 PM

Lusot na sa komite ng Kamara ang panukalang batas na magbibigay sa mga Filipino na edad 18 pataas ng iisang ID para sa lahat ng bagay -- mula sa pagboto hanggang sa pagmamaneho. Pero hindi pa man tuluyang lumulusot sa Kongreso, binabatikos na agad ito ng ilang mambabatas. 

Inaprubahan ng House population and family relations committee nitong Miyerkoles ang panukalang batas para sa national ID system. Nagbigay ng unanimous approval ang mga miyembro ng komite para sa Filipino Identification Act.

"Kung dati, napakarami nating ID, halos masira ang wallet natin sa dami ng kailangang iprisintang ID, sa pamamagitan nito ay isa na lang gagamitin nating ID at nag-identify tayo na magagamit ito sa iba-ibang ahensya ng gobyerno," ayon sa chairperson ng committee na si Laguna Rep. Sol Aragones. 

Walang sinuman sa mga miyembro ng House Committee on Population and Family Relations ang kumontra nang hilingin ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang matagal nang nakabinbing panukala.
 
Sa inaprubahang bersiyon nito, obligado ang mga edad 18 pataas na magparehistro para makakuha ng national ID na tatawaging Filipino ID system o Fil-ID.

Layon nitong padaliin ang pakikipagtransaksiyon sa gobyerno sa pamamagitan ng iisang national ID na lang, dahil pag-iisahin nito ang lahat ng ID na ini-issue ng gobyerno.

Ilalagay sa national ID ang personal na impormasyon habang nakatala sa isang smart chip sa ID ang biometric information. 

Ilalagay sa database pati ang mga record ng pamilya, civil status, passport number, Tax Identification Number, SSS o GSIS number, Philheath Number, Pag Ibig Fund Number, Voters’ ID Number, at maging driver’s license. 

Libre ang application para sa unang Fil-ID pero may singil na para ito’y palitan kung mawawala o masisira. 

Kapag nagkataon, maaaring makuha ang national ID sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Philippine Statistics Authority (PSA), Local Civil Registrar, Commission on Elections, PhilHeallth, Social Security System at Government Service Insurance System.

Pangangalagaan ng PSA ang lahat ng personal data para sa ID at hindi ito maaaring ilabas nang walang kaukulang permiso. 

Mapaparusahan naman ng hanggang dalawang taong pagkakakulong at multang P50,000 to P500,000 ang sinumang magbibigay ng maling personal information at gagamit nang hindi wasto sa ID, ayon kay Aragones. 

Ipapasa na sa House appropriations committee ang panukala para sa funding requirement nito bago iakyat sa plenaryo. 

Dati nang sinabi ng Dept. of Finance na kailangan ang national ID para matiyak na tamang benepisyaryo ang makikinabang sa ipatutupad na Value Added Tax exemption sa senior citizens at may kapansanan. 

Pero hindi pa man tuluyang lumulusot sa Kongreso, binabatikos na agad ito ng ilang mambabatas. 

Giit kasi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, labag ang Fil-ID sa right to privacy ng mga Pilipino. 

Nag-aalala rin si Zarate sa seguridad ng impormasyong panghahawakan ng PSA.

Sagot naman diyan ni Aragones, may mga sapat na proteksiyon para sa ID at sa mga mamamayan. Binanggit niya ang parusa sa maling impormasyong ibibigay. 

Itinatakda rin ng panukala na puwede lang ilabas ang datos sa Fil-ID kung may basbas ng cardholder, kung may utos ng korte, at kung kailangan ito sa ngalan ng kalusugan.

Noong nakaraang Kongreso, umabot ang panukala sa national ID sa plenaryo ng Kamara pero hindi tuluyang nakalusot sa Kongreso dahil hindi tinalakay ng Senado ang bersiyon nila nitong panukalang batas.

-- Ulat nina RG Cruz, Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.